NAKAKAKABA ang mga naganap nitong nakaraang mga araw.
Isa ang matagal na brownout at blackout na naganap sa Metro Manila at isa ang money ban ng Commission on Elections.
3 ORAS NA BLACKOUT
Nasa tatlong oras ang brownout at blackout sa Metro Manila kahapon.
Siyempre pa, maraming oras ng trabaho ang nasayang.
Ang daming na-late sa trabaho at marami ang naglakad na lang ngunit hindi nakaabot sa kanilang mga trabaho.
No work-no pay ang tinamaan ng brownout-blackout.
Nagkandabuhol-buhol naman ang trapik sa lansangan dahil sa pagkamatay ng ilaw ng mga traffic light.
Ang daming nasayang na petrolyo na gamit siyempre ng mga motorista.
Pati ang mga ambulan-sya ay naipit.
Mabuti na lang at walang sumabay na sunog, batay sa kawalan ng mga nagwawang-wang na bumbero.
PAANO SA HALALAN?
Pero isa sa mga naisip natin, mga Bro, ang halalan sa Lunes, Mayo 13.
Paano kung maulit ang lintek na brown-out-blackout na ito?
Tiyak na magkakaloko-loko ang resulta ng halalan.
Sa haba ng oras ng kawalan ng kuryente, maaaring matalo ang mga sana’y manalo at manalo ang dapat na sana’y matalo. Papaano?
Kapag bumuhos ang mga botante para sa isang kandidato at biglang nag-brownout-blackout sa oras ng pagboto nang para sa kanyang mga kalaban, panalo siya.
Pero paano ang kagustuhan ng nakararami na magluklok ng karapat-dapat na lingkod-bayan?
Paano kung ang tinamaan ng brownout-blackout ay ang karapat-dapat at ang korap at abusado ang lalabas na panalo dahil lamang sa kawalan ng kuryente na ‘yan?
AYUSIN ANG KURYENTE
Ang tatamaan ng sisi, siyempre, ay hindi lamang ang Meralco.
Higit na magkakaroon ng suspetsa na may gumawa ng kalokohan upang maka-12-0 sila sa kanilang mga kalaban.
Paano kung ayaw ng taumbayan ang 12-0 na ‘yan at kung gusto man nila ay para sa mga kalaban?
Kaya, para hindi magkagulo sa halalan, dapat na ayusin ang kuryente na ‘yan.
Hindi dapat na hayaang mangyari ‘yang ganyang kalagayan.
Ang masamang bunga niyan ay paninisi hindi lang sa mga makapangyarihang politiko na may kakayahang magpatay ng kuryente kundi sa mismong pamahalaan.
Baka akusahan itong sinasalamangka ang resulta ng halalan upang mapanatili nito ang taglay nitong kapangyarihan kahit pa ayaw na ng taumbayan.
SA MINDANAO
Milyones ang boto sa Mindanao at pupuwede silang magpanalo o magpatalo ng mga kandidato.
Paano kung magpapatuloy ang brownout-blackout diyan sa araw ng halalan?
Alam naman nating katakot-takot ang masamang suplay ng kuryente riyan.
Ngayon, mga Bro, sapat na ba ang hiling ng Comelec na huwag mag-operate ng todo ang mga mall sa araw ng halalan?
Bakit kailangang magsakripisyo ang iba sa kapalpakan ng pamahalaan sa pagbibigay ng sapat na kuryente sa mamamayan?
SANA HINDI MAGKAGULO
Hangga’t maaari, pagsumikapan ng pamahalaan na lutasin o siguruhin ang suplay ng kuryente sa lahat ng araw ng halalan.
Mas maigi na gawin niya ito, may halalan man o wala.
Pero kung sisingit-singit ang brownout-blackout na ‘yan, nakatatakot na magkagulo sa maraming lugar.
BAKIT?
Aba andiyan na nga ang labis na pagdududa sa mga Precinct Count Optical Scan machine na walang source code, magkakabrownout-blackout pa.
Baka isipin ng mamamayan na nagkakalokohan na lamang at binabastos na ng mga kinauukulan ang mamamayan.
Nakatatakot marinig ang sigaw ng mamamayan na ang tuwid na daan pala hindi lang liko-liko kundi paurong.
Masasayang ang pinagpapaguran ni PNoy na tuwid na daan.
BUWISIT NA MONEY BAN
Hindi na ba makaisip ang Commission on Elections ng mga matitinong bagay ukol sa darating na halalan?
Bakit ba na isinisingit nito ang money ban o pagbabawal ng paglabas sa bangko ng kahit sino ng halagang mahigit sa P100,000 sa isang araw?
Mabuti na lang at pumalag ang Bangko Sentral ng Pilipinas.
Sabi ng BSP, sisirain ng money ban ang ekonomiya ng Pilipinas.
Sa pag-unawa natin, titigil ang mga malalaking negosyo sa loob at labas ng bansa at kung maganap ito sa loob ng limang araw, aba, bilyon-bilyon ang halaga niyan.
CHECKPOINT SA PERA
Hindi lang pala withdrawal ang bawal, mga Bro.
Bawal din ang magbitbit na mas malaking halaga sa P100,000 dahil para raw sa vote buying ‘yan. Ano?
Ibig sabihin, pupuwedeng basta na lang mangapa at maghalungkat ang mga pulis at militar ng lahat ng mga may sasakyan para lang maghanap ng mga violator?
Hindi magandang pangitain iyan, mga Bro. Daig pa ang martial law niyan.
Wala kayang nasisiraan ng ulo riyan sa Comelec?
EMERGENCY
Ang daming emergency, mga Bro, na nagaganap ngayon gaya ng heat stroke at atake sa puso.
Daang libo ang singil ng mga ospital at doktor sa mga kalagayang ito.
Pupuwede bang tumakbo sa Comelec para lang hingin ang permiso nila na magdala ang maysakit ng malaking halaga?
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.