ANG espesyal na article ay isinulat ni Jhon Ong, isang kilalang Photographer, Graphic Designer at Multi-Media Artist. “Ang bawat isa sa atin ay nagmula sa sinapupunan ng isang babae – ang ating ina. Ako ay humugot ng aking buhay kay DR. HILDA C. ONG, siya ang aking ina”.
Mula nang ako ay isilang, hindi pumalya ang aking ina sa pagbibigay sa akin ng suporta sa lahat ng aking naising gawin. Kung sakaling ako ay nagkakamali, ipinatitikim niya sa akin ang munting kaparusahan, ito ay upang maituwid ko ang aking maling nagawa, tungo sa tamang tahakin ng buhay.
Sa mga panahon ng aking kalungkutan at pagdaramdam, siya ang balikat na aking sumpungan. Siya lamang, higit kanino pa man ang makauunawa sa akin.
Ako, na nasa ikaanim na taong gulang pa lamang, ang aking kapatid na si Jeff na tatlong taong gulang noon, at ang aking ina, ay naiwan ng aking ama at hindi na nag-asawang muli. Sa kanyang maagang pagkawala, humarap at dumanas kami sa maraming pagsubok, ngunit naging ma-tatag ang aking ina sa lahat ng ito. Hindi ko siya nakitaan na nanghina, nawalan ng pag-asa at hindi niya ipinakita sa aming magkapatid ang paghihirap na kanyang nararamdaman.
Bagama’t may kakapusan sa pananalapi, kami ay may maayos paring pagkain sa aming hapag, at ako ay nakapag-aral sa isang respetadong paaralan, upang mahu-bog ang aking kaalaman. Kaya naman, hindi ko alam kung paano ko maipapakita ang aking malalim na paghanga at pasasalamat. Sa lahat ng kanyang tiniis na paghihirap at mga sakripisyo para lamang magkaroon kaming magkapatid ng maganda, maayos at matatag na buhay.
