MAKIKITANG may transparency ang pamumuno ni Pangulong Benigno Aquino III dahil sa pagiging matapat nito hindi lang sa mga mamamayan kundi mas lalo sa kanyang sarili.
Kapag totoo ang lumalabas na isyu, hindi ito ipinagkakaila ni Pangulong Noynoy kahit pa makasisira ito sa kanyang grupo tulad nang nangyayaring iringan sa pagitan nina Team PNoy Senatorial candidates Loren Legarda at Alan Peter Cayetano.
Pero tulad ng isang mabuting ama sa kanyang pamilya, sinisikap ni PNoy na magkaayos ang dalawa sapagkat batid niyang hindi naman makikinabang ang kanilang partido sa nangyayaring awayan ng dalawang senador na nag-aagawan sa number one slot sa senatorial survey.
Natural, gusto ni Pangulong Aquino na mahatak ang buong team PNoy sa halalan ngayong Lunes. Dapat na makinig sa Pangulo ang dalawang senador dahil kapag inayawan sila ng mga tao ay sila rin ang magkakaproblema.
Aba’y dapat mag-isip-isip ang mga senador na ito dahil ang paghahangad ng sobra ay posibleng maging lason sa buong grupo nila.
oOo
MISMONG mga magulang at estudyante ng komunidad ang magdurusa kapag hindi kaagad ipinasara ng Commission on Higher Education (CHED) ang Kolehiyo de Subic na maraming kakulangan sa panuntunan ng isang kolehiyo.
Sinasabing wala itong accredited programs, quality assurance system, curricular review committee at iba pang kailangan ng isang kolehiyo. Eh, bakit hinayaan ng CHED na mangyari ito? Maging ang mga department head ng nasabing paaralan ay walang sapat na edukasyon para pamunuan ang kanilang departamento maliban na lang sa pagiging empleyado ng pamahalaang bayan ng Subic.
Ganoon? Aba’y baka naman doble ang suweldo na ibinibigay ng namamahala ng nasabing paaralan sa mga opisyal at empleyado nito? Hindi kaya dapat ding alamin ito ng Commission on Audit?
Bakit nga ba hindi maipasara ang nasabing kolehiyo na pinatatakbo ng pamahalaang lokal ng Subic? Kasi raw ay nagagamit ito sa pamumulitika ng nakaupo sa puwesto, ayon kay Ruben Guadang, kandidato ng Liberal Party sa Subic.
Nagbibigay scholarship ang mga Khonghun para lang manalo sa halalan, dagdag pa ni Guadang. Aba’y hindi naman yata tama ito dahil ang pera ng bayan ay dapat gastusin sa mga proyektong kapaki-pakinabang subalit hindi dapat isama ang pansariling interes.
Umaabot daw sa P12 milyon ang nagagastos ng pamahalaang bayan ng Subic para lang sa scholarship.
Dapat ngang makialam na rin ang COA upang matukoy kung may anomalyang nagaganap sa pagbibigay ng scholarship. Walang masama kung bigyan ng scholarship ang mga mag-aaral na matalino subalit walang kakayahang tustusan ang kanilang pag-aaral. Pero kung hindi naman “deserving” ngunit nagagamit lang sa pamumulitika ay hindi maganda. Halimbawa na rito ay ang ginagawa ng mga Khonghun kung saan ang ama at anak na sina Jeffrerson at Jeffrey ay tumatakbo.