KONTROBERSIYAL ang pagbatikos natin sa Olongapo PPCRV (Parish Pastoral Council for Responsible Voting) nitong nakaraang kolum.
Ito ang Totoo: alam natin na magiging kontrobersiyal pero ginawa po natin para kapulutan ng aral at alang-alang sa ikabubuti ng kapakanan ng mamamayan.
Bigo ang Olongapo PPCRV sa “candidates forum” na sa halip na makatulong sa matalinong pagpili ng mamamayan sa iboboto, umuwing lito ang marami dahil sa kuwestiyunableng patakaran at sistema na nagdulot ng kaguluhan matapos patayan ng mikropono ang dalawang kandidato, una si Vice Mayoral candidate Brian Gordon at pagkatapos ay ang kandidatong congressman na si Jobo Magsaysay.
Sana kapulutan ng aral ang insidente at magsuri sa sarili ang mga tagapamuno ng Olongapo PPCRV, para sa kapakanan ng mamamayan at pati na rin ng mga volunteer nito na malinis naman ang hangarin.
***
PATULOY pa rin ang hindi magandang kalagayan ng mga manggagawang Filipino sa Korean company na Hanjin Heavy Industries Corp. (HHIC) na may shipyard sa Subic.
Ito ang Totoo: nadagdagan na naman ang mga nangangamatay na Pinoy sa Hanjin nitong Biyernes matapos matagpuang patay ang welder na si Pancrasio G. Mariñas, 25, sa loob ng isang “tank” na wini-welding.
Pilit pang itinatago ng Hanjin ang insidente kaya walang naglabasang balita tungkol dito.
Ilang beses nang nakitaan ng mga paglabag ang Hanjin mula sa sanidad hanggang sa “safety” at hindi makataong pagtrato sa mga empleyado pero patuloy pa ring namamayagpag, kahit kaliwa’t kanan na ang namamatay na bunga ng kapabayaan ng kompanya.
Kamakailan lang ay isinulat din natin dito ang tungkol sa dalawang Pinoy na minaltrato ng bisor na Koreano sa Hanjin.
Ito ang Totoo: mukhang kailangang si Pangulong Noynoy Aquino mismo ang kumilos para maisaayos ang kapakanan at kaligtasan ng mga manggagawang Filipino sa Hanjin Shipyard sa Subic.
Ang tanong, kikilos ba si Pangulong Aquino? Aabangan natin ito. Ito ang Totoo!
