BUKAS ay araw nang paghuhukom. Itatakda ng bayan ang landas na tatahakin ng ating bansa sa loob ng tatlong taon. Bibigyan ni Juan dela Cruz ng poder ang mga taong inaakalang karapat-dapat maupo sa lokal na pamahalaan at kongreso.
Dahil mahalaga ang pagpapasyang ito kaya dapat ay pag-isipan natin kung sino ang iuupo sa puwesto.
Ihahalal ba natin ‘yung bumibili ng ating boto?
Susundin ba natin ang dikta ng ating mga relihiyon o sekta? Bulag ba tayong susunod sa sinasabi ng mga survey sa pag-aakalang hindi masasayang ang ating boto dito? Ano ang tamang desisyon para sa bayan?
Sa puntong ito ay mag-babahagi ako ng mga puntos na maaaring gamiting gabay sa pagboto.
Hindi ko iboboto ‘yung mga re-eleksyunista na nagpasa ng Cyber Crime Law. Kahit ano pa ang dahilan nila ay malinaw pa sa sikat ng Haring Araw na laban sa malayang pamamahayag at demokrasya ang mga ito.
Hindi ko iboboto ‘yung mga kandidato na nagtangka na magtago sa kanilang Statement of Assets and Liabilities o SALN ng kanilang yaman sa ibayong dagat.
Wala pala itong ipinag-iba sa sinasabing katiwalian ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona, na siya ring naging dahilan para masibak ito sa puwesto.
Hindi ko iboboto ‘yung mga taong ayaw magpahayag ng kanilang posisyon kung papaano nila gagampanan ang kanilang tungkulin, lalo na ‘yung takot sa debate.
Alam ko na kaya ayaw makipag-debate nito ay dahil walang alam at karanasan ito sa pamamahala.
Hindi ko iboboto ‘yung mga kandidato na ang puhunan, maliban sa apelyido, ay ang pagiging look- a-like nila ng mga kilalang personahe. Malinaw na nanghihiram lamang ito ng imahen para manalo.
Hindi ko iboboto ‘yung mga kabilang sa dinastiya dahil alam ko na kapag ito ang mga nanalo ay mawawalan ng silbi ang check and balance sa pamahalaan. Sisirain nila ang demokrasya sa ating bayan.
Hindi ko iboboto ‘yung mga laban sa kalikasan, may kasong kriminal, lalo na ‘yung sangkot sa mga human rights violation, o ‘yung mga nagpakasangkapan sa dayaan sa eleksyon. Walang respeto ang mga ito sa bayan.
Ang dapat iboto ay ‘yung mga nagdadala ng mga makatao, maka-Diyos at makabayang prinsipyo, ‘yung may malinaw na idolohiya at programang pang ekonomiya na mag-aahon sa bayan mula sa kahirapan, ‘yung nagsusulong ng makabayang industriyalisasyon, modernisasyon ng agrikultura, karapatang pantao, pagkalinga sa kalikasan at kultura…’yun ang mga dapat manalo…’yung tunay na mga kandidatong bayan.
* * *
Nakikiusap ako sa mga kandidato na wala namang kwalipikasyon kundi ang apelyidong dala-dala na umatras na sa eleksyong ito alang-alang sa bayan.
Nakikiusap ako sa mga dinastiyang pulitikal na huwag nang magpatakbo ng mga kamag-anak at pagbigyan na lamang ang bayan na makapili ng tunay na lider.
Nakikiusap ako sa mga kandidato na pera lamang ang dala at hanap na huwag nang tumakbo para hindi masalaula ang halalan. Nakikiusap ako sa mga talunan na huwag nang maging makulit sa paulit-ulit nilang pagtakbo dahil ayaw sa inyo ng tao. At siyempre nakikiusap ako sa mga botante na mag-isip kung sino ang tamang dapat iboto.
