NATABUNAN ng halalan ang maraming kaganapan sa pangkaraniwan ay papansinin ng media kung hindi pagpipiyestahan.
Halimbawa nito ang “good news” na “accomplishments” ng mga ahensiya ng pamahalaan, gaya ng Subic Customs.
Ito ang Totoo: gumawa ng kasaysayan sa Subic Customs si Collector Adelina Molina nang kumolekta siya ng mahigit isang bilyong piso sa loob lamang ng isang buwan – nitong Abril 2013.
Buhat nang itatag ang Subic Customs, mataas na sa P400M- P500M ang “cash collections” ng “duties & taxes” sa Port of Subic kaya hindi pangkaraniwan ang mahigit P1B isang buwang koleksiyon ni Molina.
Sa unang apat na buwan ng 2013, nasa P2,938,405,652.69 na ang koleksiyon dito, lampas ng P953,282,652.69 o 48.2% sa target na P1,985,123,000.00 sa naturang panahon.
Mula sa “oil” o langis (fuel) ang 79% nito at ang 21% ay sa “non-oil,” ayon sa datos na ating nakuha.
Ani Molina, todo higpit siya sa pangongolekta kaya nagawa niya ang hindi ginawa/nagawa ng mga nauna sa kanya.
Hindi maitatatwa ang “figures” ng koleksiyon ni Molina pero hindi nagbabago ang ating paniniwala na ang mga wala sa lugar na panghuhuli sa mga negosyante ng Subic Customs Investigation & Intelligence Service (CIIS) ay bahagi ng “fund raising” ng mga tiwaling bata niya.
Baka nga kaya dumidiskarte ang mga hinalipak na CIIS sa Subic, tulad nang paghuli at pagdetine sa “hazardous waste” na hinakot ng Cubillas Trading mula sa Juken Company, ay dahil nawalan sila ng regular na “kita” sa ipinatupad na paghihigpit ni Molina.
Matapos ang 10 araw ay wala namang ikinaso o ipinataw na multa/parusa ang Subic Customs sa Cubillas Trading at ang “hazardous waste” ay ni-release ng ganu’n ganu’n na lang.
Ito ang Totoo: kung walang basbas ni Molina ang tiwaling gawa ng CIIS sa Subic, sibakin niya ang OIC nitong si Jose Du.
Hindi porke malaki po ang koleksiyon n’yo, Collector Mo-lina, ay pwede nang mangotong ang mga bataan n’yo. Ito Ang Totoo!