HANGGANG ngayon ay nasa rurok pa rin ng kaligayahan ang buong pamilya FELICIANO dahil sa pagka-kapanalo ng aking panganay na anak sa nakalipas na eleksyon bilang konsehal ng Lungsod ng Valenzuela.
Walang hanggang pasasalamat ang aming ipinaaabot, una syempre kay God at sa lahat ng tumulong, nagsikap, sumuporta at nagdasal upang ang pangarap ng aking anak ay magkaroon ng katuparan.
Sa isang magulang na katulad ko ay talaga namang lubos ang aking saya dahil nagkaroon ng reyalisasyon ang noo’y pangarap ng isang paslit na si Rovin na maglingkod sa Valenzuela.
Nabigla rin po kami sa buhos ng suporta kay Rovin lalo na noong malapit na ang halalan dahil umaapaw po ito lalo na noong sumapit na ang eleksyon at hanggang bilangan ay hindi namin akalain na ang isang 22 anyos na kabataan ay mag-number 3 pa sa halalan.
Hindi biro ang sakripisyo ng lahat, lalo’t higit ang Team Rovin, sa nangyaring tagumpay dahil dugo’t pawis din ang naging puhunan para magkaroon ito ng katuparan.
Madugo ang preparasyon at realisasyon ng mga hakbangin sa eleksyon pero lahat ng ito ay naging magaan dahil sa pagsisikap ng lahat ng mga campaign staff, co-ordinator, barangay official at siyempre ng buong angkan ng Feliciano.
Hindi ko rin makalimutan ang mga taong talagang nagsikhay upang ang pangarap ni ROVIN ay magkaroon ng katuparan,kilala n’yo po kung sino kayo kaya’t umasa po kayo na hindi kami magba-bago.
Asahan n’yo po na ang mga hakbangin at proyektong itutulak ni Rovin ay manggagaling sa inyo para sa kapakanan ng Valenzuelano.
Tuloy po ang pagsusulong ng plastic ordinance, pagtutulak sa maayos na programa sa baha lalo’t higit ang Valenzuela Obando Meycauayan (VOM) flood control project at bagong kolehiyo para sa mga Valenzuelano na magsisilbi sa average student ng lungsod.
Samahan n’yo po si Rovin at gabayan dahil tayo po ang kanyang sandigan sa kanyang mga gagawing paglilingkod sa ating pamayanan.
Muli maraming salamat po sa inyong lahat,Valenzuelaño po ang may hawak ng rekord ng pinaka batang konsehal sa highly urba-nized cities sa buong Pilipinas.
