TAPOS na ang halalan kaya mahaharap na rin ni Pangulong Noynoy Aquino at ng iba pang opisyal ng kanyang gobyerno ang mga napabayaan nilang gawain dahil na rin sa ginawa nilang pagtulong para manalo ang mga kandidato ng administrasyon.
Kagaya na lang halimbawa ang kabiguan ni Pangulong Noynoy na aksyunan ang claim ng isang mambabasa natin na nagpakilalang si Manuel Villanueva na inip na inip na sa inaantay niyang reward money mula sa pamahalaan.
Ayon sa kanyang email, may kaugnayan ang kanyang claim sa ginawa niyang pagbubunyag sa mga iregularidad sa nangyaring pagkatay at paggawang scrap metal sa lumubog na Korean vessel na MV Nam Yang 08 sa karagatan ng Pagudpud, Ilocos Norte noong Enero 3, 2010.
Ipinarating na ni Villanueva ang isyu mismo kay Pangulong Noynoy sa pamamagitan ng mga liham, kay Customs Comm. Ruffy Biazon, Usec Carlo Carag at iba pang mga opisyales ng pamahalaan.
Sinabi ni Villanueva na kinatay ang nasabing barko ng mga tauhan ng Bureau of Customs habang ito ay nasa kustodiya pa ng ahensiya at sa kabila nang hindi pa nababayaran ang mga buwis na dapat bayaran hinggil dito.
Sa kabila, aniya, na ang MV Nam Yang ay isang distressed ship base na rin sa distressed call na ginawa nito sa Port of Aparri at pinatunayan ng report update of assistance na inilabas ng National Disaster Coordinating Council (NDCC), noong Enero 3,2010, ay idineklara pa rin itong abandonado ng mga taga-BoC. At noon ngang Setyembre 2010 ay pumasok sa isang Memorandum of Agreement ang BoC sa munisipalidad ng Pagudpud at pinayagan nito ang nasabing munisipalidad na katayin at gawing scrap ang barko.
Sinabi ni Villanueva na iligal ang ginawang ito ng BoC sa ilalim ng International Law on Comity na nilagdaan sa pagitan ng Pilipinas, North Korea at Tsina.
Tinatayang umaabot sa halagang US$600 million ang halaga ng barko nang ito ay katayin ng mga taga-BoC at nais malaman ni Villanueva kung may pumasok bang pera sa kaban ng bayan matapos itong biyak-biyakin ng mga taga BoC.
Hindi biro ang halagang pinag-uusapan sa isyung ito at kung totoo nga ang bintang ni Villanueva ay nararapat lang na kumilos na agad si Pangulong Noynoy hindi lamang dahil sa pera kundi mahirap nang pagmulan ito ng diplomatic row sa North Korea.

