TAPOS na ang election, tama na ang sobrang pulitika. Sa mga nanalong kandidato, good luck sa inyo at congratulations at sa mga natalo naman ay bumawi na lang kayo sa susunod. Siguro ay hindi para sa inyo ang taong ito.
Ang dapat sigurong pagtuunan sa ngayon ng pamahalaan ay ang nalalapit na pagbubukas ng klase ngayong susunod na buwan, June 3, 2013, partikular na ang ahensiya na nakasasakop dito, ang Department of Education (DepEd).
Dapat sigurong linawin ng DepEd kung ano-ano ang dapat bayaran ng mga estudyanteng nasa elementary at high school na nag-aaral sa mga pampublikong eskwelahan dahil taon-taon na lamang ay ito ang problema ng mga magulang.
Maganda siguro kung magpapatupad ang DepEd ng guidelines sa mga guro kung ano lang talaga ang dapat na babayaran ng mga magulang at kung maaari ay ipaskil ito roon sa lugar na na-kikita ng lahat at sa mismong tanggapan ng principal.
May mga paaralan na tumutupad sa itinakdang mga bayarin ng DepEd, at ‘yung iba naman ay ginagamit ang PTA na kesyo sa iba pang bayarin at sinasabi ng mga guro na ito ay napagkasunduan ng mga magulang.
Halimbawa na ang security guard. Kailangan pa bang pasanin ng mga estudyante ang pambayad sa guwardiya ng eskuwelahan? Bakit hindi na lang ito sagutin ng mga lokal na pamahalaan o kaya ay mismong DepEd.
Tuwing pasukan na lang ay nagkakagulo sa mga pampublikong paaralan dahil sa araw mismo ng pasukan ay doon naman dagsa at nagkukumahog ang mga estudyante at magulang sa pagpapa-enroll.
Ilang magulang na ating nakausap ang nagsasabing kapag pumupunta sila sa eskwelahan bago pa man magpasukan ay sarado ito at walang mga teacher kaya para makasiguro ay pumupunta na lang sila sa mismong araw ng pasukan.
Oo nga naman, sayang din naman ang pamasahe at oras na kanilang gugugulin sa pagpunta sa eskwelahan tapos wala naman silang maaabutang guro para maipa-enroll ang kanilang mga anak.
Handa na ba talaga ang DepEd para sa darating na pasukan? Alam naman natin na ginamit noong katatapos na May 13 election ang mga silid-aralan ng mga pampublikong eskwelahan, kaya dapat muna sigurong ma-inspection ang mga ito kung ayos pa ang mga upuan at kung malinis na ang mga silid.
Huwag naman sana nating iasa pa sa mga estudyante ang paglilinis ng mga classroom, dapat nga ang nagilinis dito ay ‘yung mga politiko at ang kanilang mga lider na siyang pasimuno para dumumi ang mga paaralan.
Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo, suhestiyon at komento, mag-text lang po sa 0916-5571946 at 0908-7230036 o kaya ay mag-email lang sa … lpr_2012@yahoo.com.
