SA isang madamdaming pahayag ni National Press Club President Benny Antiporda, sinabi nito na sukdulang itaya niya ang sariling buhay upang madepensahan ang bawat lehitimong mamamahayag sa ating bansa.
Resulta ito, parekoy, sa isinulat ni dating NPC Pres. at ALAM Chairman Jerry Yap na mismong si Antiporda umano ang nagparating sa kanya (Yap) na mainit sa ALAM at BULABUGIN (kolum ni Yap) ang uupong administrasyon ng lungsod ng Maynila.
Sa kolum ni Yap, binanggit din nito na isa umano ito sa dahilan kaya ipinatanggal ni Antiporda ang tarpaulin ng pasasalamat ni Lim para sa mga taga- Maynila.
Hindi tayo mapalagay sa isyung ito kaya inurirat natin si NPC Pres. Benny Antiporda hanggang sa idinetalye niya ang pangyayari.
Narito ang pahayag ni Benny.
“Una, wala akong ipinaaabot kay Jerry Yap na pagbabanta laban sa ALAM at sa kanya (Yap) dahil kung may ganitong pangyayari ay ako mismo ang unang dedepensa!
“Ang sinabi ko kay Jerry, masakit ang loob ni Manila Mayor-elect Erap Estrada sa isang mamamahayag na pinaniniwalaan niyang “hao-siao” dahil sa pambababoy nito sa kanya noong halalan.
“Pati ikaw (Yap) ay nadaramay sa sakit ng loob pero idinepensa kita dahil isa kang mamamahayag!”
Inurirat rin natin, parekoy, si Antiporda tungkol sa pagpapatanggal umano nito sa tarpaulin ng pasasalamat ni Lim sa mga taga Maynila.
Narito ang kanyang sagot:
“Wala akong ipinatatanggal na tarpaulin ni Lim, alam ‘yan ni Jerry, Ang nangyari sa nasabing tarpaulin ni Lim ay gustong ipalagay ni Jerry sa NPC pero tinawagan ko siya at “nagsumamo” ako na kung maaari ay huwag niyang ilagay ito para mapanatili ang pagiging “apolitical” ng National Press Club.
“Iba po ang ibig sabihin ng ipinatanggal keysa hindi ipinalagay!
“Katunayan noong election ay naglagay si Yap sa NPC ng napakalaking tarpaulin na ALAM supports Lim, pero hindi ko ito pinakialaman bilang suporta na rin sa ALAM.
Ngayong tapos na rin lang ang halalan kaya pinakiusapan ko si Yap na kung maari ay huwag nang isali ang NPC sa pasasalamat ni Lim sa mga bumoto sa kanya.”
With all due respect, parekoy, sa mga taong nabanggit, naniniwala tayo na anomang pasasalamat ni Mayor Lim ay diskarte na niya kung paano ipararating sa mga tao na gusto niyang pasalamatan.
Diskarte na rin niya ito kung saan niya ipalalagay . . . ngunit karapatan din ng Presidente ng NPC na panatilihin ang dignidad o pagiging apolitical ng NPC.
Nagpapasalamat rin tayo, parekoy, kay Antiporda dahil noong halalan ay hindi man lang siya sumulat pabor o laban kina Erap Estrada at Mayor Fred Lim.
Isa kang tunay na ehemplo, Kuyang, sa pagiging apolitical!
