HALOS tapos na ang pulitika dahil naiproklama na ang 12 senador na nanalo.
Habang sinusulat natin ito, tanging ang mga partylist na lamang ang hindi naipoproklama.
Saan na tayo pupunta mula sa kinalalagyan natin ngayon?
PALIT LIDERATO SA SENADO
Nagtataka lang tayo, mga Bro, sa utak ng ilang nanalong senador.
‘Yang pagpapalit ng liderato sa Senado ang target kaagad.
Ang sabi, “Para maging kakampi ng Senado si Pangulong Noynoy Aquino.”
Kung ano ang ibig sabhin ng mga senador na ‘yan ay sa mga darating na araw natin malalaman.
KAPANTAY NG MALAKANYANG
Ang natatandaan natin, magkapantay sa kapangyarihan ang Kongreso o Kamara at Senado ang Ehekutibo o kinalalagyan ni PNoy.
Ibig sabihin niyan, hindi pupuwedeng mas makapangyarihan ang isa at pupuwede niyang kontrolin ang isa na parang tuta o laruan.
Sa ibang salita, hindi pupuwedeng diktahan ng isang panig ang kabilang panig at maging sunod-sunuran na lamang ang isa na parang kalabaw.
Kung may nagpapailalim man, sa palagay natin ay maling posisyon ‘yan.
CHECK AND BALANCE
Check and balance ang tawag sa dahilan kung bakit nilikha natin, sa pamamagitan ng 1987 Konstitusyon, ang pagkakapantay ng Kongreso at Ehekutibo.
‘Yun bang === kung may mang-aabuso ng kapangyarihan sa dalawang sangay ng pamahalaang ito, magsisilbing tagakontra ang isa.
Kung liliko-liko ang daang tinatahak ng isa, ang isa ang magsisilbing taga-tuwid o mag-aakay sa daang matuwid.
Kung tama naman ang isa, hindi masamang tumu-long ang isa sa kanila para lalong itama ang tama.
Nandiyan ang diwa ng kampihan.
SIRA ANG LAHAT
Kung magpapakatuta ang Kongreso sa Ehekutibo o ang Ehekutibo sa Kongreso, sira na ang napakahalagang check and balance sa pamahalaan.
Kung may mang-abuso, wala nang kokontra.
Kung may liliko ang landas, wala nang magtutuwid.
Sira na rin ang Konstitusyon na nagsasabing dapat magkapantay ang Kongreso at Ehekutibo.
Susunod na masira riyan ang Korte Suprema.
Kasi, kapag nagpanukala ng batas ang Ehekutibo at inaprub without thinking ng Kongreso ‘yan o gumawa ng batas ang Kongreso at inaprub kaagad ng Ehekutibo, karaniwan nang sinasabi ng Korte Suprema na wala silang magagawa.
Kahit lihis na siguro sa Konstitusyon at mga kasalukuyang batas.
Ilang beses na bang naganap ito sa mga nakaraang administrasyon?
Maaaring maulit ito sa administrasyon ni PNoy.
Pustahan pa tayo.
HINDI LANG SI PNOY
Bilib tayo kay PNoy.
Pero sino ang makapagsasabing walang pansariling interes ng iba na mahahalo sa kanyang interes na paglingkuran ang bayan nang matuwid?
Alalahanin na sa lahat ng nakaraang administrasyon, naririyan lagi ang mga maling patakaran.
‘Yun bang === sumasagasa ng interes ng sambayanan na kaiba sa interes ng politiko.
KORAPSIYON AT PANDARAMBONG
Isa sa mga kapuna-puna lagi ay ang pagtatapos ng administrasyon.
Alam ba ninyong tuwing matatapos ang isang administrasyon, nababangkrap ang Bureau of Customs?
Pero hindi lang ang BOC ang nakararanas nito kundi pati ang iba pang mga masasabaw kung ituring na mga ahensya.
Sa ibang salita, mga Bro, nagiging laganap ang korapsyon at pandarambong.
Nagiging laganap ang nakawan na hindi umaabot ng P50 milyon at sakop ng batas sa korapsyon at laganap din ang nakawang mahigit sa P50 milyon na sakop ng batas sa pandarambong.
KAMPIHAN
Sa kasaysayan ng Kongreso, karaniwang nagpapakatuta sa Ehekutibo ang Kamara kahit sumasabog na ang mga isyu ng korapsyon at pandarambong.
Paisa-isa lang ang mga nag-iingay laban dito at nilulunod sila ng katahimikan ng mayorya.
Pero sa Senado, bibihira ang pagkakataon na yumuko ang mga mambabatas dito sa usaping ito.
Kapag naging Kamara ang Senado sa pananahimik sa mga usaping ito o kumampi na sa pananahimik ang Senado, masisira na ang lahat, kasama na ang tiwala ng taumbayan sa mga iniluluklok nila sa puwesto, kahit sa Kongreso.
Hindi na lang sa liko-likong landas daraan ang mahal kong Pinas kundi tutungo ito sa bangin at sa impiyerno.
MALAPIT NA ANG 2016
Ang isang kapuna-puna pa, mga Bro, ay ang mabilis na pagdating ng halalang 2016.
Wala nang gagawin pa ang mga lider-lider sa pulitika kundi ang manghimas ng kanilang mga mamanukin sa halalang ito.
Karaniwang ang mga kongresman at senador ang unang kinakalabit ng mga may gustong maging kandidato na Pangulo.
Kung hindi naman, karaniwang sila-sila ang pinanggagalingan ng mga kandidato.
Kaya nga sa halalang 2013, ‘yang maging number 1 sa Senado ang pinagkaabalahan at pinag-awayan ng iba.
At alam ba ninyo ang kakambal ng ambisyon sa pagka-Pangulo?
Korapsyon at pandarambong para may panggastos ang ambisyoso.
‘Yang pangako na ibuhos ang salaping bayan para sa bayan?
Mapapako lang!
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.