SA mga matinding tumutuligsa sa sambayanan kaugnay ng resulta nang nakaraang halalalan, ang tanong ko ay ano ang ginawa ninyo para hindi nagkaganito ang resulta ng nagdaang ehersisyo politikal? Bakit kailangang sisihin ng husto at paulit-ulit si Juan dela Cruz gayong lahat tayo ay may kinalaman sa resulta ng eleksyon.
Ang lipunan ay parang batya na puno ng tubig. Kung may ihahagis tayong piraso ng buhangin ay lilikha ito ang alon-alon sa buong batya. Ganun din tayong mga tao at mga institusyong ating itinayo. Sabi nga ni Jess Santiago sa kanyang awitin ang “sakit ng kalingkingan ay dama ng buong katawan.”
Hindi tayo pwedeng maghugas kamay sa kinalabasan ng halalan. Kumilos ba tayo para tumaas ang sahod ng mga manggagawa at ng hindi mabili ng mga pul-politiko ang kanilang boto? Tumulong ba tayo para maresolba ang isyu ng mga istudyante kaugnay ng kanilang kahilingan na buwagin ang komersyalisadong siste ng edukasyon at palitan ito ng isang makabuluhan at makabayang sistema o nagpakita lamang tayo nang pagkainis sa tuwing sila ay nag-rarally habang dala ang isyung ito?
Sumama ba tayo sa mga teach-ins para mabigyang linaw natin sa mga botante ang tungkol sa katangian ng bawat kandidato? Tumulong ba tayo sa mga taga-nayon para maunawaan nila ang mga isyu ng bayan at ng hindi lamang sila makikinig sa mga sulsol ng kanilang mga lokal ng opisyal ng bayan? Ano ang ginawa natin? Mayroon ba?
May sinulat nuong ika-18 siglo si Jean-Jacques Rousseau, isang pilosopong Pranses, sa kanyang social contract na napakaganda. Sabi niya: “the people is always correct although it is not always right” (Ang masa ay laging tama bagamat hindi laging tumpak ang kanilang desisyun).
Hindi maaring magkamali ang bayan Bagamat ang mga pasya nito ay hindi palaging mabuti. Kung gayon ang resulta ng halalan ay masasabi kong hindi lamang kasalanan ng masang sinasabi ng mga may aral na mang-mang. Ito ay kasalanan nating lahat.
Napatunayan natin na ang botanteng Filipino ay hindi pa handa sa ngayon para sa mga kandidatong tunay na makabayan at lingkod ng sambayanan. Kailangang pa nang patuloy na pag-oorganisa at pagmumulat sa mga botanteng Filipino.
* * *
ANG tagumpay ni Grace Poe ay hindi lamang nakasalalay sa lilim ng pangalan ng kanyang yumaong ama na si Fernando Poe Jr. Mahusay si senadora. Napanood ko ang ilan sa mga interview sa kanya at nabalitaan ko na organisadong-organisado ang kanyang mga tao. Pinapakita lamang nito ang husay niya.
Inaasahan ko na hindi lamang siya magiging tau-tauhan ng kasalukuyang administrasyong Aquino sa senado. Unmaasa ako na siya ay maninidigan para ikapag-susulong ng makabayang adhikain sa senado. Harinawa ay hindi ako magkamali.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa isang pribadong hot spring ay pumunta kayo sa Infinity Resort, Indigo Bay Subdivision, barangay Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba. Malapit lamang ito sa Metro Manila at mula rito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Tawagan ninyo si Gene Lorenzo sa 09063555560 para sa karagdagang impormasyon.