MATAPOS iproklama bilang nanalong Mayor si dating Pangulong Erap Estrada, parang pusang di-matae ngayon sa paghahanap ng konek ang untouchable gambling lord na si Apeng Sy.
Sa panahon ni Mayor Lim, alam ng halos lahat ng pulis-Maynila na hindi nila maaring pakialaman ang sugal ni Sy.
Balita kasi sa buong MPD na kapag nahuhuli ang mga collector ni Apeng ay agad inaarbor ng kaanak ni yorme.
At dahil nga kaibigang matalik ni Apeng ang isang kaanak ni Mayor Lim kaya matunog ang balita na malaking halaga ang itinulong nito noong nakaraang election.
Dahil kung nanalo si Lim ay lalong lalawak ang operasyon ng lotteng ni Mang Apeng.
Ang kaso eh, nasilat!
Kaya taranta si Apeng sa paghahanap ng konek kung paano makadikit kay Erap!
Hak, hak, hak!
Sa tingin ko Mang Apeng, matatapos na ang maliligayang araw ng iyong lotteng sa Maynila! He, he, he!
-o0o-
MALIBAN kay Mang Apeng, marami na sa mga dating tsuwariwap ni Lim ang gustong lumundag ngayon pa lang papunta sa bakuran ni Mayor Estrada.
Gaya nitong isang dating Punong Barangay sa Maynila na sumusulat rin sa diaryo.
Noong panahon ng kampanya ay quotang quota ang banat nito kay Erap Estrada.
Ika nga eh mula tibak hanggang balakubak kung lamukusin ng taong ito ang pagkatao ng dating Pangulo.
Pero matapos iproklama bilang bagong alkalde si Erap ay mabilis pa sa alas kwatro kung umikot ang ballpen nito.
Kaagad siyang nanawagan na dapat raw ay simulan na ang pagkakaisa sa Maynila.
Wala namang problema parekoy ang hinihiling na rekonsilasyon o ang paglilipat-bakuran, normal na ito sa politika.
Ang tanong lang, hinihiling ba ito nitong dating Punong Barangay alang-alang sa serbisyo publiko o may gustong pagtakpan o protektahan?
Gaya ng tinaguriang “lihim ng Guadalupe”?
Sa mga susunod na araw ay ating hihimayin kung ano ang nasa baul nitong lihim ng Guadalupe! He, he, he!
Sa sinasabing lihim ay hindi kasali ang isang kaso ng pagpapatay sa anak ng isang Piskal ng Maynila na kinasasangkutan ni dating PB.
Kumusta na nga pala ang kasong ito? Buhay pa kaya?
Sabagay, oks lang ito kay dating PB dahil malalim ang baul na pinaglalagyan ng lihim ng Guadalupe. Yakang yaka!
