SA unang bahagi ng ating kolum ay ibinahagi natin ang karanasan ng ilan sa ating mga kababayan na panibagong biktima ng mga mapanlinlang na patakaran ng Philippines Airline at Cebu Pacific.
Sa kaso ng PAL ay nagpalabas ito ng patakaran na nagpapataw ng P1,500 na multa sa mga pasaherong hindi nakaaabot sa tinatawag nilang 45-minute check in deadline kahit ikaw ay nakapila na sa kanilang counter.
Sa Cebu Pacific naman ay ang ginawa nitong paniningil ng buong pamasahe sa kanilang pasaherong naantala sa pag-check-in kahit hindi pa naman nakaaalis at delayed din ang flight ng kanilang eroplano.
Tama at makatarungan ba ang mga pakulo na ito ng PAL at Cebu Pacific?
Kung ating titingnan ang kaso ng PAL, malinaw na isa itong paglabag sa Air Passenger Bill of Rights and Carrier Obligations. Nakasaad sa panuntunang ito na maaari lamang magmulta o magbayad ng rebooking fee ang isang pasahero kung ito ay hindi nakaabot sa “cordoned area” sa itinakdang deadline para mag-check-in.
Self-explanatory naman na ang “cordoned area” ay ang pila sa check-in counter at kapag hindi ka na pinapasok upang pumila, ibig sabihin nito ay hindi ka nakaabot sa deadline.
Samakatwid, isang uri ng panlilinlang ang ginawa nilang paniningil ng P1,500 sa kanilang mga pasahero na nakapila na bago pa man pumatak ang kanilang check-in deadline.
Sa kaso ng Cebu Pacific, bagama’t may karapatan ito na maningil ng rebooking fee dahil totoong hindi nakaabot sa cut-off ang dating brodkaster na si Jess Garcia, isang kalokohan na singilin siya ng panibagong full airfare. Anong nangyari sa kanyang naunang ibinayad kung ganoon? Naglaho na lang sa kawalan?
Siguro, kailangang busisiin ng Kongreso at ng Department of Transportation and Communication (DOTC) ang mga pangyayaring ito dahil halatang-halata naman na ito ay isang uri ng scam o isang panlilinlang.
Huwag na nating isama rito ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) dahil inutil naman ito at halatang wala naman itong pakialam sa kapakanan ng ating mga mamamayan.
*****
Para sa inyong komento at reklamo, mag-email lang sa gil.bugaoisan@gmail.com.
