MARAMING may alam ng ibig sabihin ng DUI –driving under the influence – dahil siguro sa kapanonood ng mga palabas sa sine at TV.
Sa mga bansa tulad ng Amerika ay lapat na ang batas laban sa “DUI” kaya madalas nating marinig ang DUI na binabanggit ng pulis nila roon dahil pwede nga hulihin ang mga pinaghihinalaan na DUI at pwede silang ma-check ng mga pulis ora mismo.
Noong isang linggo ay pinirmahan ni Pangulong Noynoy Aquino at naging ganap na batas na ang RA 10586 o mas kilala na anti drunk-driving law.
Nagulat ang ilan na wala pa palang matibay na batas sa Pilipinas laban sa pagmamaneho ng lasing o nasa impluwensya ng bawal na gamot, alam na natin ang DUI pero ngayon pa lang napagtibay ang batas dito sa atin samantalang marami ang biktima ng mga kriminal na driver na “driving under the influence” ng alak at iligal na droga.
Pero huli man at magaling, naihabol din, sabi nga.
Bagama’t pinupuri ng marami si PNoy, dapat ding malaman na ang dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at anak na si Congressman Dato Arroyo ang principal authors ng nasabing batas.
Napakaganda ng batas na ito.
Ngayon ay may karapatan na ang mga pulis na hulihin ang mga pinaghihinalaan na nagmamaneho nang lasing o may tama ng bawal na gamot.
May mga gamit na para dagliang ma-check ang DUI at mataas at matindi na ang katapat na parusa.
Sa ngayon ay motor vehicles pa lang ang sakop ng anti-drunk driving law.
Ang tanong paano ang piloto ng eroplano at kapitan ng barko?
Hindi sila kasama sa RA10586 dahil motor vehicles lang ang sakop ng batas.
Pero dapat tingnan din ang mga driver ng iba pang uri ng sasakyan dahil sila man ay may hawak na buhay na pwedeng mapahamak kung sila ay DUI.
Mabuhay ang batas na ito at mabuhay ang mga sumuporta sa pagpapasa at dagliang implementasyon.