MALIBAN sa kabi-kabilang reklamo at protesta dahil na rin sa paratang ng iba’t ibang uri ng dayaan nitong nakaraang eleksyon, may iba pang mga problema na dapat sagutin at ipaliwanag ang Comelec sa ilalim ng pamumuno ni Chairman Sixto Brillantes Jr.
Ito ay ang reklamo ng mga guro at iba pang mga tao na nagtrabaho bilang mga board of election inspector at tumulong para mairaos nang maayos ang ginawang halalan noong Mayo 13.
Marami pa pala sa mga gurong ito na nagsilbi noon ang hanggang ngayon ay hindi pa natatanggap ang kabayaran sa kanilang serbisyo .
Halimbawa na lang sa lalawigan ng Pangasinan na hangga ngayon ay marami pang mga guro ang hindi pa natatanggap ang kanilang P4,000 per diem.
Desperado na at nawawalan na nang pag-asa ang mga titser na makukuha pa nila ang kanilang allowance, sapagkat tila pinaiikot at binobola lang sila ng mga taga Comelec doon.
Kapag nagtatanong at nagpa-follow-up daw kasi ang mga guro hinggil sa kanilang allowance, ay ibinabato ng Comelec Officer doon na si Atty. Jennifer Balarbar ang sisi sa kanilang central office na hindi pa raw ibinibigay ang pera.
Maliban sa Pangasinan, may ilang guro na rin dito sa Metro Manila ang nakausap ko at nagsabing hindi pa rin nila nakukuha ang kanilang allowance.
Kawawa naman ang mga gurong ito na totoong napagod at gumanap ng tungkulin para maiayos ang halalan, subalit mukhang sila pa ang hindi man lang nabayaran nang maayos.
Naisip ko lang na kung nangyayari ito sa mga malalapit na lalawigan gaya ng Pangasinan at maging dito sa Metro Manila, paano pa kaya iyong mga nasa malalayo at liblib na lugar?
Sana naman ay bigyang-pansin ni Chairman Brillantes ang problemang ito at maibigay na ang kakarampot na allowance ng mga guro, upang kahit paano ay magamit nila ito bilang panggastos sa kanilang mga pamilya.
Kung iyon ngang mga malalaking kompanya na kumita ng bilyon-bilyon gaya ng Smartmatic ay hindi nila pinahihirapan ng paniningil, dapat din naman na ibigay na nila ang para sa mga guro.
Kaya tinatawagan ko si Chairman Brillantes na unahin na munang lutasin ang problema ng mga guro bago ang problema ng mga natalong politiko.
Aasahan ko at ng taumbayan ang aksyon mo, Chairman Brillantes!
The post DAPAT NANG BAYARAN NI BRILLANTES ANG MGA GURO appeared first on Remate.
