KARANIWANG kinukutya, pinagtatawanan at hindi gaanong binibigyang halaga ang mga taong may problemang mental, mayroong mga pagkakataon na sa halip na kalingain at alagaan ay inaabuso pa sila.
Sa British Columbia, Canada ay nakilala ko ang isang Filipino, na nagtayo ng isang kakaibang tahanan na kung tawagin ay Group Home, siya si Nick Cornelio.
Dating isang guro si Nick, halos limang taon din siyang nagtrabaho bilang isang guro noong siya ay nasa Pilipinas pa.
Ayon sa kanya, nagmula siya sa isang mahirap at malaking pamilya. Ang kanyang ama ay isang electrician samantalang ang kanyang ina naman ay nasa bahay lamang.
Kaya naman nang mabigyan siya ng pagkakataon na makapangibang bansa sa pamamagitan ng co-teacher niya sa England bilang isang student nurse ay agad niyang tinanggap ang nasabing oportunidad.
Sa England nagtapos ng pag-aaral bilang nurse si Nick subalit makalipas ang ilang buwang pamamasukan dito ay nagtungo siya sa Canada nang mangailangan ito ng mga psychiatric nurse, na mangangalaga sa mga taong may problema sa pag-iisip.
Dahil na rin sa kakayahan at kaalaman niya sa pangangalaga at pag-aaruga ng mga pasyenteng may problemang mental ay nagdesisyon siyang magtayo ng isang bahay na kakalinga at magsisilbing tahanan ng mga ito – ang Group Home.
Sa kakaibang tahanan na ito ay si Nick ang nagsisilbing pangalawang magulang ng kanyang mga pasyente. Hindi lang dahil sa pera kundi sa physical, mental, emotional at spiritual healing ng patients ang sa amin, paliwanag niya.
Idinagdag pa niya na para mapangalagaan nang husto ang kanilang mga pasyente ay umaabot lang sa apat hanggang lima ang bilang ng mga ito, upang higit na maiparamdam sa mga ito na kabilang sila sa isang pamilya at hindi nakalagak sa mga institusyon na karaniwang kinasasadlakan nila.
Mula sa paglilinis at pag-aayos ng sarili, gaya ng pagsisipilyo at paliligo hanggang sa pakikisalamuha at pakikitungo sa iba, ay itinuturo sa ‘tahanan’ ni Nick. Hindi lang pisikal na aspeto ang sinisigurong maayos sa Group Home kundi maging ispiritwal kaya may regular na oras para sa pagdarasal.
Maaaring matinding hirap at labis na pasensya ang kinakailangan upang alagaan ang mga taong mayroong sakit sa pag-iisip ngunit para kay Nick Cornelio ay maliliit na bagay lamang ang mga ito kung ikukumpara sa pag-asa at tulong na maibibigay niya hindi lamang sa kanyang mga pas-yente kundi maging sa pamilya ng mga ito.
*******
Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan over-seas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa IBC13 tuwing Huwebes, 11:30 ng gabi. Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT
The post NICK’S NURSING HOME appeared first on Remate.
