NAPAKABIGAT ang nakaatang na responsibilidad sa itinalagang Officer-in-Charge ng Bureau of Immigration na si Associate Immigration Commissioner Siegfred Mison.
Sa kanyang State of the Nation Address, isa ang BI sa mga ahensiyang binanatan ni Pangulong Aquino.
Kinakailangan talagang magpakitang-gilas itong si Mison upang tuluyan nang malinis ang mga kabuktutan sa immigration.
Hindi uubra rito ang estilo noon ng nagbitiw na si dating Commissioner Ricardo David na walang ginawa kundi magpalusot kapag nabubuking ang mga kapalpakan ng kanyang ahensiya.
Matapos ang napakahabang panahon na pangungunyapit sa pwesto ay nagbitiw itong si David nang sumambulat ang panibagong kahihiyan na kinasasangkutan ng BI.
Imagine, mismong ang embahada ng Amerika ang nagreklamo laban sa kanya dahil tinanggihan nito ang pagpapalaya sa isang American national samantalang inabswelto na ito ng korte?
Bago ito, nasangkot din ang BI sa pagpapatakas sa isang Korean fugitive na si Park Sung Jun.
Dahil dito, mukhang napikon na rin si Pangulong Aquino ngunit bago pa man siya masibak ay mukhang tinamaan na rin ng hiya itong si David kaya’t siya na mismo ang kusang nagbitiw.
Ang ganda ng timing ng kanyang resignation sapagka’t kung nagkataon ay muli na naman siyang hiniya nang harap-harapan sa SONA ni PNoy.
Sinalo tuloy ni Mison ang pagsesentimyento ng Pangulo sa mga kapalpakan ng BI.
Hindi naman bagong salta itong si Mison sa BI kaya’t sa tingin ko naman ay alam na alam na nito ang mga dapat gawin upang mailagay sa ayos ang BI.
Nakabibilib din naman ang credentials nitong si Mison na anak ni dating National Bureau of Investigation Director Mariano Mison.
Bago nag-abogado ay nanilbihan muna bilang sundalo itong si Mison na nagtapos sa US Military Academy sa West Point, New York noong 1987.
Nagtapos ito ng abogasya sa Ateneo de Manila University- School of Law noong 1996 at mayroon pa itong Masters of Law degree mula sa University of Southern California noong 2006.
Ang problema nga lang eh, ngayon pa lang mukhang kinakalampag na siya ng sindikato sa loob ng BI.
Halatang-halata na may mga kamay na ngayo’y gumagalaw upang hindi siya permanenteng italaga ni Pangulong Aquino.
Biglang binuhay ang kaso nito dahil sa reklamo ni Felino Quirante, Immigration Administrative Division Chief of the Bureau ukol sa umano’y paggamit ng labis-labis na diesel para sa kanyang opisina samantalang ito ay nadesisyunan na ng Ombudsman.
Malaking sindikato itong nagpapatakbo ng mga kalokohan sa BI.
Maniniwala lamang ako na itong si Mison ay ibang-iba sa kanyang dating boss na si David kung ngayon pa lang eh ipakikita na niya na mayroon siyang bayag upang buwagin ang grupong ito.
Kinakailangan niyang magpatupad agad ng re-shuffle mula sa mga opisyal hanggang sa pinakamababang personnel ng immigration.
Kailangan ding isaayos ni Mison ang Media Affairs Office ng BI sapagka’t kitang-kita naman na nagiging kontrabida lagi ang labas ng ahensiya.
Sa ngayon, gusto kong maniwala na kakaiba itong si Mison at maaari ngang totoo ang tinuran ni Justice Secretary Leila de Lima na isa itong tunay na reformist.
Ngunit hangga’t wala akong nakikita na malaking balasahan at pagbabago sa mga patakaran sa BI, tiyak na magagaya lang ito kay David na naging kahiya-hiya ang pag-alis sa pamahalaan.
***
Para sa inyong komento at reklamo, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com.
The post MAGBABAGO NA KAYA ANG BI SA ILALIM NI MISON? appeared first on Remate.
