KUNG mayroon mang pinatamaan si Pangulong Benigno Aquino III sa kanyang State of the Nation Address na makakapal ang mukha at matatapang ang apog na manatili sa puwesto sa Bureau of Customs ay hindi si Commissioner Ruffy Biazon. Nakatitiyak ako!
Sa totoo lang, naging maginoo si Comm. Biazon at ilang minuto matapos sabihin ni Pangulong Aquino ang katagang iyon ay nag-alok agad ito ng pagbibitiw sa kanyang Internet Twitter account ngunit ilang minuto rin ay sinagot siya ni Aquino na walang nababawas sa pagtitiwala ng Pangulo sa komisyuner.
P200 bilyong piso ang nawawala sa koleksyon ng BOC kada taon. Napababa ito ni Comm. Ruffy sa P100 bilyon at posibleng malutas pa niya ang problema kung ipapasa ng Kongreso ang bagong batas para sa customs.
Ang problema sa customs ay gawa ng “tatlong hari” at ang “tatlong mago” na sangkot sa katiwalian.
Ang “tatlong hari” ay may tatlong ninong na sikat at kilalang kaalyado ngayon ni Pangulong Aquino.
Ang “tatlong mago” naman ay pawang mga customs collector sa tatlong pangunahing customs port na ang iskema ay pababain ang koleksyon sa taripa at buwis para maibulsa ang malaking halaga ng koleksyon.
Kailangan mismo ni Pangulong Noynoy ang malaking tulong ni Commissioner Biazon.
Katulad ng pahayag sa SONA, kailangang buwagin ni PNoy ang kanyang personal na relasyon sa “tatlong ninong” ng “tatlong hari” at “tatlong mago” sa Aduana.
Napaka-maginoong tao ni Commissioner Biazon. Mula pa lamang sa Kongreso, nagpakita na ito ng mahusay na pamamahala at nagsumite ng mga makabuluhang batas na ang makikinabang ay ang bansa at mamamayan.
Nang maluklok siya sa BOC, maganda ang kanyang plano para itaas ang koleksyon at buwagin ang sindikato ng smuggling at mga korap at tiwaling tauhan ng customs.
Ngunit sadyang ang mga KRIMINAL SA BOC ay organisado at handang gumastos kahit magkano kaya’t nagagawa nilang harangin ang mga programa ni Biazon at dahil din sa malaking pera nila, niloloko nila pati ang mass media na nakatalaga sa loob at labas ng customs.
Ang short collection ay sinasadya ng “tatlong mago”. Ang smuggling at pagbaba ng taripa naman ay utos ng “tatlong hari’. Kapag nabubuko sila, nagsusumbong kaagad sa “tatlong ninong” nila. Matindi!
Ang plano ng “tatlong hari” at “tatlong mago” na kinukunsinti ng kanilang “tatlong ninong” ay simple lang. Hiyain si Commissioner Biazon sa mata ni Pangulong Aquino at taumbayan para mapalitan nila ito sa kanyang puwesto. Kung sila nga naman ang nakaupo, piyesta sila nang walang hanggan.
Kilala silang lahat ni Pangulong Noynoy at sana ay makalos kaagad habang maaga.
Hindi na sila dapat patagalin pa. Ang sabi mo sa iyong SONA Mr. President, “oras na ng paniningil sa mga tiwali at kanilang mga kakutsaba.
Ngayon na!
The post TATLONG HARI AT TATLONG MAGO SA BUREAU OF CUSTOMS appeared first on Remate.