AYON sa ulat ng United Nations Office for Coordination of Humanitarian Affairs (UNOCHA) ay milyon sa ating mga kababayan ang hindi nakatatanggap ng tulong mahigit sa isang linggo na ang nagdaan matapos salantain ng bagyong si Yolanda ang Central Viasayas.
Tinatayang umabot sa mahigit dalawang milyon ang hindi pa nakatatanggap ng tulong na pagkain. Ito ay patunay na kulang, kundiman talagang walang kahandaan, ang kasalukuyang administrasyong Aquino sa pagharap sa trahedyang tulad ni Yolanda.
Ang kulang o kawalang kahandaang ito ay mas malaking trahedya kaysa sa dala ni Yolanda. Kahit papaano si Yolanda ay bunga ng ngitngit ng kalikasan samantalang ang trahedyang dala ng mga nasa poder ay resulta ng kriminal na kapabayaan.
* * *
Bagama’t medyo huli na ay mabuti naman at naisip na rin sa wakas ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III na makipag-usap sa alkalde ng Lungsod ng Bacolod na si Alfred Romualdez. Inaasahan natin na mula ngayon ay magiging maayos na ang koordinasyon sa pagpaparating ng mga relief goods sa nasalantang lungsod.
* * *
Huwag namang lagyan ng pangalan ng mga pul-politiko ang relief goods na ipinamimigay sa mga nasalanta ng bagyo. Kung hindi maiiwasan ay lagyan na lamang ito ng tatak na mula ito sa pamahalaan ng Pilipinas o ‘di kaya ay ilagay na lang ang pangalan ng grupo o bansa na nagbigay nito.
Ang daming litrato ng relief goods na kumakalat sa mga social network na may pangalan o mukha ng kung sino-sinong Ponsyo Pilato. Panahon ito ng trahedya. Huwag ninyong gamitin para sa interes ninyo…ang kapal ng mga mukha ninyo.
* * *
Ang isa pang makapal ay ang nalalaos na Communist Party of the Philippines. Akalain ba naman na tuligsain ang mga tumutulong na puwersang Amerikano sa mga nasalanta ng bagyo. Nilalagyan nila ng isyung pulitikal ang isang humanitarian operation. Kahit ako ay hindi maka-Amerikano, ako ay nagpapasalamat dahil kahit papaano ay andito sila at tumutulong.
Mahirap talaga ‘pag nabulag na ng idolohiya ang isip. Hindi na naiintindihan kung ano ang tama o mali. Sayang ang puhunan ng mga kadreng nawala sa ginagawa ng kasalukuyang pamunuan ng CPP. Nakalulungkot na ang pagsusuri na angkop noong 1960 ay ginagamit pa rin nila sa ngayon. Para sa inyong kaalaman…2013 na ngayon. Hindi na angkop ang inyong batayang pagsusuri na mababasa sa Philippine Society and Revolution ni Jose Ma. Sison.
Marami nang bago sa teknolohiya, mga relasyon sa pabrika…ng mga manggagawa’t kapitalista, magsasaka at panginoong maylupa at ultimong ang ating pagiging neo-kolonyal ay may bago na ring anyo. Kailangan na ng bagong pagsusuri. Ibasura na ninyo ang bulok na pamantayan at nang umusad naman kayo.
* * *
Para sa mga karagdagang impormasyon tungkol sa mga isyu ng panahon, ugaliing makinig sa podcastpilipinas.com/nelsonflores tuwing Huwebes, alas-nueve (9) hanggang alas-diyes (10) ng gabi .
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa isang pribadong hot spring ay pumunta kayo sa Infinity Resort, Indigo Bay Subdivision, Barangay Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba. Malapit lamang ito sa Metro Manila at mula rito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling. Kontakin ninyo si Gene Lorenzo sa infinity_resort@yahoo.com para sa karagdagang impormasyon.
The post MALINAW NA HINDI HANDA appeared first on Remate.
