PAGPASOK ng bagong taon, may banta sa liderato ni Benigno Simeon Aquino III (BSA3). Hindi imposible, mangyayari ito. Ang IMPEACHMENT laban sa kanya, tiyak, naghihintay.
Pero dapat ay mapagbantay ang mga indibidwal o grupo na nagkakasa ng ligal na pagpapatalsik kay BSA3. Kung kinakailangan ay igapos nila si Atty. Oliver Lozano dahil baka unahan na naman kayo. Wala akong masamang tinapay kay Atty. Lozano. In fact, kaibigan ko siya – pero bibitiwan ko siya, baka isumpa ko pa siya sa sandaling magsampa na naman siya ng IMPEACHMENT kontra kay Noynoy!
Kung hindi “epal” ang habol ni Oliver, baka totoo na mayroon siyang kasabwat na taga-Malacañang para proteksyunan si PNoy at mabigo ang mga tunay na magsasampa ng kasong IMPEACHMENT laban sa Pangulo na sinasabing pabaya, maluho at walang kakayanan para mamuno at magligtas sa ating mga kababayang may problema.
Posible na sa pagpasok ng taon ay maraming grupo ang tiyak na magsasampa ng kaso laban kay Noynoy. Sabi nga, impeachment in waiting para sa kanya ang taong 2014. Mula sa pagiging pabaya na lider, mapanisi sa kabila ng kanyang sariling pagkakamali at pagkukulang, nagbaon sa utang pambansa, at yaong mga usapin na pananalapi ng bayan – ang Priority Development Allotment Fund at Distribution Acceleration Program (PDAF-DAP).
Ang pagiging pabaya ay nakaukit sa mga nagdaang bagyo, mga kalamidad at gulo katulad sa Luneta at China. Ang mga nasalanta mula pa noong 2010 ay hindi pa rin sapat ang tulong ng kanyang rehimen. Inaway ang China na dahilan para maghirap ang mga mangingisda natin na dumarayo sa ating isla, ang Bajo de Masinloc.
Sa kabila ng kanyang mga pagkukulang sa lahat ng aspeto, mas makulay ang kanyang paninisi sa mga nagdaan na administrasyon, lalo na sa kanyang guro na si dating Pangulo at Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo (PCGMA).
Sapul din siya sa usapin ng pork barrel. Bagama’t todo tanggi siya noong una, mismong ang tao niyang si Budget Chief Butch Abad ang nagsabi na si BSA3 ang may pakana sa DAP. Lalo na ngayon, sabi ng Korte Suprema, iligal ang PDAF pati na ang kanyang pag-ubos sa Malampaya Fund.
Itong huli, ang kanyang kapabayaan na batbat pa ng intriga sa naganap na mapanirang monster typhoon Haiyan o Yolanda. Sa halip na tumulong kaagad, nanisi pa at mukhang kakasuhan pa ang mga lokal na opisyal ng mga lalawigan at bayan sa Silangang Visayas na winasak ni Yolanda.
Ilan lang iyan sa mga tinipon at dinokumentong pangyayari laban kay PNoy. Totoo, may magaganap pagpasok ng 2014 – IMPEACH-MENT IN WAITING KONTRA KAY PNOY!
Oliver, huwag kang pumapel!
(Mag-text sa 09178548686 para sa inyong reaksyon, opinyon at sumbong).
The post IMPEACHMENT IN WAITING appeared first on Remate.
