NAGITLA raw si Senate President Franklin Drilon sa balitang siya ang balak na itambal kay DILG Sec. Mar Roxas sa 2016 presidential derby. “Susmaryosep! Anong kombinasyon? Saan po gagawin? Hindi po siguro sa karera sa kabayo,” ito ang naging sagot ni Drilon nang hingan siya ng reaksyon.
Tama lang na nagitla si Drilon sa balita. Tayo nga ay hindi lang nagitla. Kinilabutan pa tayo dahil “susmaryosep” naman talaga ang tandem na ‘yan. Ano na ang mangyayari sa kaawa-awa nating bansa kung sila ang maluluklok? Si Roxas ay malaking sablay para sa mga biktima ng bagyong Yolanda. Si Drilon ay malaki ring sablay ang pagkakaluklok bilang pangulo ng Senado. At alam nating si Drilon ay maraming kinasasabitang eskandalo.
Susmaryosep talaga! Wala na bang maisip na matino ang kanilang mga kasama sa partido? Kahiya-hiya!
***
AYON kay Sen. Miriam Santiago, dapat daw ay babae ang susunod na presidente sa 2016. Sino po senator? Kayo po ba?
Susmaryosep talaga! ‘Wag na uyyy!
***
IBINUKO ni Sen. Cynthia Villar si Sen. Alan Cayetano na nag-aambisyong maging standard bearer ng Nacionalista Party. Anang senadora, personal na nag-apply si Cayetano para maging manok ng partido.
Ang lakas din ng amat ng mamang ito. Ano bang karapatan niya na maging presidente? Bukod sa maingay lang siya, siya ay isa lang nagmamalinis kagaya ni PNoy. Susmaryosep talaga!
***
HABANG bumabandera ang pagnanakaw ng mga politiko sa kabang bayan, kakaiba naman ang ginagawa ng Church of Jesus Christ Later Day Saint sa buong bansa.
Sila ay naghahanap ng mga taong may kapansanan sa paglalakad o lumpo para matulungan. Ginagawa nila ito upang ang mga nasabing may kapansanan ay makalakad, makapasyal o makalabas ng kanilang tahanan.
Namamahagi ang grupo ng mga saklay at wheelchair.
Ang humanitarian aid na ginagawa ng nasabing grupong pangrelihiyon ay umikot sa mga bayan ng Rosales at Bayambang, Pangasinan kung saan ay maraming may kapansanan ang nabigyan ng tulong.
Wala silang pinipiling tulungan kahit pa sa ibang sekta kabilang. Mabuhay kayo!
The post SUSMARYOSEP TALAGA appeared first on Remate.
