NASAAN nga ba ang hustisya sa mga ordinaryong mamamayan ‘pag sila ay naaagrabyado o kaya ay naaapi at sino ang kanilang pupuwedeng lapitan? Ito ang katanungan ng mag-asawang hinuli, ikinulong at pinagnakawan ng ilang opisyal at kawani ng Taytay Police noong nakalipas na Pebrero 1, 2014.
Sino nga ba ang dapat lapitan ng mga ganitong biktima ng karahasan lalo na kapag ang nang-api sa kanila ay mga tauhan ng Philippine National Police o PNP?
Maganda ang ginawa ng mag-asawang Wilmor at Jocelyn Andaya ng Taytay, Rizal na sampahan na lang ng mga kasong arbitrary detention, illegal arrest and unlawful searches and seizures, robbery extortion, grave threats, grave coercion at grave misconduct and conduct unbecoming of police officers at anti-graft and corrupt practices act o R. A. 3019, ang mga pulis.
Ang mag-asawang Andaya ay nagtungo sa tanggapan ng Ombudsman nitong Marso 6, para sampahan ng mga kaso sina P/Supt. Resty Damaso, hepe ng Taytay Police; P/Supt. Robert Baesa; PSI Armando Moises; PO3 Luis Jumok lll; PO2 Arnel Magno at PO2 Nomer Raymundo, ng Taytay Police at Provincial Intelligence Branch, Camp Gen. Lecerio Gerenimo, Hilltop, Taytay.
Ang mag-asawang Andaya ay mayroong maliit na negosyo at dahil mabilis na lumago ang kanilang negosyo ay napag-initan daw ito ng kanilang kakompetensya na posibleng malakas o kamag-anak ng isa sa mga pulis.
Bukod sa iligal na pagkakaaresto sa mga Andaya, kinuha pa ang kanilang Toyota Innova, UIO-697, isang bag na naglalaman ng P250,000, 5 pirasong cellphone, mga ID at pilit pa na pina-withdraw sa ATM ang babae.
Ang tanong ng mag-asawang Andaya ay kung bakit daw hindi pa ibinabalik sa kanila ng Taytay Police ang sasakyan, pera, cellphone at mga ID gayong nang iharap daw sila sa piskalya ay Released for Further Investigation o RFI ang naging hatol ng Inquest Fiscal.
Bukas po ang Lily’s Files para sa inyong mga reklamo o hinaing, suhestiyon at komento, mag-text lang po sa 09087230036.
The post HUSTISYA SA MAG-ASAWANG HINULI, NILIMAS NG PULIS-TAYTAY appeared first on Remate.