KAMAKAILAN ay nagtungo ang grupo ng National Press Club (NPC) sa pamumuno ni Pangulong Benny Antiporda sa Subic para dumalo at saksihan ang pasinaya ng bagong pamunuan ng press corps doon na ngayon ay pinangungunahan na ng matikas na kasama natin sa pahayagang ito na si Vic Vizcocho, Jr.
Sa aming paglilibot sa Subic free port ay nakita naming napakaraming magandang ipinagbago roon, hindi lang sa mga istraktura kundi maging sa mga reporma at programang pinaiiral doon. At ang mga mabuting pagbabagong iyon ay nagaganap sa ilalim ng pamumuno ni SBMA Chairman Roberto V. Garcia na siyang arkitekto ng iba’t ibang bagong patakaran na ipinatutupad doon.
Nakapanayam namin si Garcia na madalas maintriga na sisibakin na sa puwesto pero dahil mahusay ay hindi kayang tibagin. Doon ay isiniwalat niya ang kanyang saloobin hinggil sa planong dagdag na presensiya ng US Navy sa mga karagatang sakop ng Pinas tulad ng Scarborough o Panatag Shoal. Direkta niyang sinabi na importante ang presensya ng US Navy sapagkat nagbibigay ito ng impresyon na kakampi natin sila at doon ay napananatili natin ang ating interes sa pinag-aawayang mga bahagi ng karagatan.
Malaking tulong din aniya sa turismo ng Subic, Olongapo at iba pang mga kalapit na bayan ang madalas na pagdaong ng mga barkong pandigma sa kanilang lugar. Sa madaling salita, masigla ang kalakalan at turismo sa Subic at ito ay dahil sa mahusay na pamumuno ni Chairman Garcia.
Samantala, pinag-uusapan na rin lang ang pagbabago, maraming mamamayan sa Makati ang umaasam na rin ng magaganda at makabuluhang pagbabago sa premiere city ng bansa.
At isa sa mga aktibong opisyales doon na inaasahang uukit ng mga reporma para sa kapakanan ng mga mamamayan ay si Vice Mayor Kid Pena.
Aktibo si Kid sa mga programang pagbibigay–pansin at pagtulong sa mga mahihirap na residente ng lungsod. Nitong nakaraang linggo ay nakipagtulungan siya sa iba’t ibang grupo, kasama na ang PNP at maging ang Emmanuel Church Ministries Intl. (ECMI), para sa matagumpay na medical-dental mission sa Barangay Valenzuela.
Dahil dito ay maraming tao ang nabigyan ng lunas at gamot para sa iba’t ibang karamdaman na dahilan para lalo siyang hangaan ng mga taga-Makati.
Kaya naman masasabi ko na dahil sa mga mabuting namumuno sa gobyerno tulad nina Chairman Garcia at Vice Mayor Kid at iba pang gaya nila, ang nagbibigay sa maraming tao ng pag-asa na may magandang bukas pa ring naghihintay sa ating bansa.
The post MGA PAGBABAGO SA SUBIC AT MAKATI appeared first on Remate.