KUNG ako si VP Jojo Binay ay isasama ko sa kanyang senatorial line-up si Navotas Rep. Toby Tiangco dahil buo ang loob nito sa pakikipaglaban sa mga kabulukan ng kasalukuyang gobyerno.
Ito ang dapat irekonsidera ni Binay dahil ang kailangan ng bansa ngayon ay isang taong may paninindigan para sa katotohanan at matinong pamamalakad sa pamahalaan.
Hindi birong sakripisyo ang tiyak na ginagawa at dinaranas ngayon ni Mang Toby dahil ang pagbanat niya sa kasalukuyang liderato lalo’t higit sa mga galamay nito ay kasingkahulugan na rin ng pagkawala ng ayuda ng nasyonal na pamahalaan sa kanyang nasasakupan.
Mabuti na nga lamang ay naririyan ang kanyang utol na si Mayor John Rey Tiangco na may sariling pondong pinaghuhugutan dahil kung hindi ay tiyak na mangangamote sila sa paglilingkod sa mga Navoteño.
Kung pagkapanalo naman ang pag-uusapan sa paglaban ni Toby Tiangco sa Senado ay mukhang may lamang ito kaysa sa ibang kandidatong sinasabi at nag-a-apply kay Binay dahil maganda ang exposure o imahe ng kinatawan ng Navotas sa publiko.
Halos araw-araw ay laman si Toby ng mga pahayagan, internet , pinakikinggan sa radyo at pinanonood sa telebisyon kaya’t kung bentahe ang pinag-uusapan ay lamang na rito si Tiangco.
Bagaman maliit ang Navotas ay nakuha niyang gumawa ng pangalan sa bansa at dito dapat siyang hangaan dahil ang pagsama ni Binay kay Toby sa kanyang line-up ay isang malinaw na pagpapahiwatig na may puwang ang isang hindi trapo na makapaglingkod sa gobyerno.
Marami riyan na “trying hard” na politiko na maging senador pero mukhang wala itong patutunguhan dahil ang kanilang istilo ay bulok at hindi kagat ng masang mamboboto.
‘Yan ang dapat irekonsidera ni Binay hangga’t maaga dahil ang pagsama ni Toby sa linya ng oposisyon ay isang manipestasyon na may puwang ang mga bagong pangalan sa pulitika.
The post PETILLA OUT appeared first on Remate.
