ANG buwan ng Marso ay hudyat para sa maraming estudyante na magtatapos na ang isa na namang taon ng pakikibaka nila sa paaralan, pero para sa mga guro, ito ay senyales ng isang layuning nakamit- ang gabayan ang bawat mag-aaral upang maging isang matalino at mabuting mamamayan.
Gaano nga ba kahirap ang maging isang guro, lalo na sa isang banyagang lugar na gaya ng Bronx sa New York?
Sa aking pakikipanayam kay Ma. Teresa Bautista, isang Filipinang guro na piniling makipagsapalaran sa Amerika kapalit ng anim na libong dolyar na kita, ay tila nasulyapan ko ang buhay at pagsubok na kinakaharap ng mga guro na gaya niya.
Ayon kay Ma. Teresa, tila natupad ang kanyang pangarap nang magtungo siya sa Amerika at mabigyan ng pagkakataong magtrabaho bilang isang public school teacher sa Bronx.
Sa kabila ng pagtutol ng kanyang kapatid na magtungo siya roon dahil na rin umano sa negatibong imahe ng Bronx, nagdesisyon pa rin siyang lisanin ang Pilipinas sa kagustuhang maiangat ang estado ng kanyang pamilya.
“Tinanggap ko ang job offer kahit na sabi ng kapatid ko huwag ka na lang tumuloy kasi mahirap sa Bronx na ‘yan. Kahit may mga negative impression in terms of yung area na ‘yun, ipinagpatuloy ko na rin,” kuwento ni Teresa.
Hindi naging madali noong una para kay Teresa ang makibagay sa panibagong kapaligiran dahil bukod sa ibang-iba ang kultura ng mga Amerikano sa ating mga Pilipino ay iba rin ang ugali ng mga ito pagdating sa paaralan.
Halos anim na buwan ang itinagal ng pag-a-adjust ni Teresa sa klase ng sistema ng pagtuturo roon.
“Yung mga bata tinitingnan ko kung paano sila isa-psychologize; ‘yung behavior nila laging away ng away, halos hindi ka na makapagtuturo, disiplina ka na lang ng disiplina,” kuwento pa niya.
Isinalaysay din sa akin ni Teresa na kung sa ating bansa ay marunong sumunod sa mga guro ang mga estudyante at may disiplina, sa Amerika raw ay ibang-iba.
“Dito sa Amerika, ibang klase, minsan, nagbabatuhan ng mga pencil. Discipline talaga ang pinaka-major problem sa pagtuturo. Worst na nakita ko ‘yung nag-aaway ang mga bata hanggang sa magkaroon na sila ng dugo sa mukha ayaw pa rin maawat. Akala ko worst na. ‘Yun pala yun ay normal dito.”
Sa pagtatapos ng aming kuwentuhan ni Teresa, lalong tumaas ang respeto at paghanga ko sa mga guro na gaya niya. Sa dedikasyon at mahabang oras na ginugugol nila upang makapagbahagi ng kaalaman ay tunay nga na dapat silang tawaging mga makabagong bayani.
*******
Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan overseas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa PTV-4 tuwing Linggo, 10:30 ng gabi. Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT.
The post IDOL KO SI TEACHER appeared first on Remate.