NOONG mga taong 2007-2008, madalas sa aking bahay si dating Congressman Carlo Diasnes ng Batanes para sa mga casual brainstorming session namin kung papaano matutulungan ang kanyang probinsya sa pamamagitan ng turismo.
Ako ay nasa airline industry pa noon bilang vice president for Sales & Marketing at kasalukuyang kliyente ko rin noon si dating Tourism Secretary Ace Durano sa consulting firm kong, ideasman, Inc.
Nabanggit ko kay Diasnes ang aking konsepto na isang native village kung saan ang pamumuhay ay tulad pa rin noong mga unang panahon na wala pang mga bagong teknolohiya at modern conveniences.
It’s like traveling back in time.
Ito ay isang interactive at experiential village na naglalarawan at nagsasabuhay ng isang typical na baryo sa Batanes o sa Pilipinas.
Kumbaga, para siyang Nayong Pilipino na mas maliit lang ang sakop. Ang isang kaibahan pa ay live-in ang arrangement ng mga bisita rito para mas maranasan nila ang pamumuhay at kultura ng mga Ivatan o Filipino.
Dito sila matutulog, kakain, makikisalamuha sa mga taong nakatira at nagtatrabaho roon.
Meron ding option na maging volunteer ang mga bisita at tutulong sa mga gawain sa interactive at experiential village na ito. Parang ‘yung mga ginagawa ng mga US Peace Corps noong araw. Kombinasyon ito ng eco-tourism, voluntarism, cultural tourism, agri-tourism, retirement tourism at medical tourism.
Sabi ko nga kay Diasnes na naniniwala ako sa rami ng mga anak at apo ng mga Filipinong naninirahan at nagtatrabaho abroad, marami ang darayo sa interactive village na ito para matutunan kung papaano ang maging Filipino.
Kung dati ay hanggang kuwento lang ng kanilang magulang o lolo at lola nila ito naririnig … sa pamamagitan ng immersion vacation na ito sa kanilang native land ay makikita, mahahawakan, maririnig, matitikman, mararamdaman, maaamoy at mararanasan na nila nang personal ang mga dati ay kuwento lang sa kanila tungkol sa ating kultura: pagkain, pamumuhay, laro, atbp.
Sabi ko sa kanya, imadyinin mo na may mga batang naglalaro ng patintero, siyato, o tumbang preso … habang may mga binata naman na nag-iigib, nagsisibak ng kahoy, o nanghaharana ng nililigawang dilag na nakadungaw sa bintana.
Lahat ng ito ay naeeksperyensa ng ating mga next generation Fil-Am, Fil-Euro, atbp. habang ang kanilang mga magulang ay nasa medical tourism facilities para sa murang hip replacement, at iba pang medical procedure.
Ang iba namang walang sakit ay nag-e-enjoy sa spa at recreational facilities.
Lingid sa aming kaalaman noon ay meron din palang ibang tao na may halos kaparehong ideya para sa kanila namang lugar sa Malay, Aklan.
Nadiskubre ko lang ito nang bisitahin ko last year si Kapitana Nenette Graf na may-ari ng Boracay Beach Resort at siya ring barangay captain ng Motag.
Excited na excited si Kap Nenette ikuwento ang kanyang pet project at misyon para matulungan ang kanyang mga kababarrio. Tinawag niya itong “Motag Living Museum” at talagang malaking hirap ang dinaranas niya at ng kanyang team para manatiling totoo sa tunay na buhay ang interactive at experiential village na ito.
Napakametikulosa nila sa mga detalye. Hindi sila gumamit ng pako sa pagbuo ng mga bahay kubo at iba pang istraktura dito. Wooden o bamboo pegs lang ang gamit nila, tulad ng mga unang panahon.
Malapit nang matapos ang obra maestrang ito nila Kapitana Nenette. Markahan nyo na ang inyong kalendaryo para maregaluhan niyo naman ang inyong pamilya ng isang kakaibang bakasyon na magpapatindig ng kanilang balahibo bilang mga Pilipino!
The post KAKAIBA ANG MOTAG LIVING MUSEUM SA AKLAN appeared first on Remate.
