KUNG walang hokus-pokus ang survey ng Pulse Asia, hindi dapat na biro-biruin ito.
Ukol ito sa ulat na pagbagsak ng pagtitiwala at pagkilala sa ginagawa ng Pangulo sa ngayon.
Pababa nang pababa yata ang grado ni PNoy sa mata ng madlang pipol at kung magpapatuloy ito, saang kangkungan pupulutin ang Pangulo sa mga huling araw ng kanyang panunungkulan?
BAGSAK NA PAGTITIWALA
AYON sa survey, kung noong Disyembre ay may 74 mula sa 100 mamamayan na nagtitiwala kay PNoy, nitong nakaraang Marso ay 69 na lang.
Sa Metro Manila, bumagsak ang pagtitiwala kay PNoy sa bilang na 57 mula sa dating 69 at sa Visayas, bumagsak din ang pagtitiwala sa kanya sa 69 mula sa dating 81.
Maging sa hanay ng mga mahihirap ay bumagsak din ang grado ni PNoy. Ang dating 80 katao ay naging 69 na lamang.
BAGSAK SA GAWA
KAHIT sa gawa ay bagsak din ang grado ni PNoy.
Mula sa dating 73 na naniniwalang magaling sa gawa si PNoy ay bumagsak na sa 70.
Sa Metro Manila, naging 57 na lamang ang dating 69 na bilib sa kanya sa gawa.
Sa Visayas naman, naging 72 katao na lang ang bilib sa kanya mula sa dating 82.
Para sa mga mayayaman o may kaya-kaya sa buhay, bumagsak din ang bilang ng mga naniniwalang mayroon siyang nagagawa sa bilang na 62 mula sa dating 71.
At para sa mga mahihirap, 70 na lang ang bilib sa kanya mula sa dating 79.
PASUBALI
BAGAMA’T bumagsak ang pagtitiwala at paniniwala sa gawa ng Pangulo, mataas pa rin ang grado nito dahil mataas pa rin naman umano ito.
Kakaunti lang naman umano talaga ang nawawalan ng pagtitiwala at bilib sa kanya.
Marahil, dahil na rin sa maraming performance ni PNoy sa laban sa katiwalian, pakikipagkasundo sa isang paksyon sa mga rebeldeng Muslim, pagkakasakote ng katulad nina Delfin Lee at mag-asawang Tiamzon na lider ng Communist Party of the Philippines at pagpigil sa mataas na bayarin sa kuryente.
BAGSAK PA RIN
ANOMAN ang grado ni PNoy, ang maliwanag ay bumagsak ito sa nakalipas na tatlong buwan.
Ito’y sa kabila ng pananatili ng pasadong grado ng mamamayan sa kanya.
Paano kung sa mga susunod na mga buwan at panahon ay magiging tuloy-tuloy ang pagbagsak ng pagtitiwala at pagiging bilib ng mga Pinoy sa Pangulo? Na siya naman yatang nagaganap kahit sa nakaraang taon.
Aba, palatandaan ‘yan ng paglamig ng dumaraming mamamayan sa pakikitungo kay PNoy.
At kung paliit nang paliit ang naniniwala at bilib kay PNoy, ano ang mangyayari sa kanyang pamahalaan?
2 DOSENANG KAMATAYAN
NAGLALARO na sa dalawang dosenang mamamahayag ang pinaslang sa ilalim ng Aquino administration simula nang umupo ito noong Hunyo 30, 2010.
Ang tanong: ilan sa mga patayang ito ang nalutas ng kanyang pamahalaan?
‘Yun bang === ilang triggerman at utak ng pamamaslang ang nakilala at nadakip ng mga awtoridad?
Mayroon na bang na-convict sa hukuman na mga mamamatay-tao na bumibiktima sa mga mamamahayag?
Paano kung sasabihin ng iba na halos zero ang performance nito sa usaping ito?
Sino ngayon ang magsasabing higit na maraming mamamahayag ang nagtitiwala at bilib sa kanya, huh?
KASO NI RUBIE
NASA tungki ng ilong ng pamahalaang ito ang pagpaslang kay Rubie Garcia na isang beteranang correspondent ng ating pahayagang Remate.
Malapit lang sa Palasyo ang pinagpaslangan na lugar kay Rubie.
Nasa 30 minutos lang mula sa Palasyo ang Bacoor, Cavite kung araw ng Linggo at kulang-kulang sa isang oras kung araw ng pasukan.
Limang araw na ang nakalilipas mula nang mapaslang si Rubie ay wala pang malinaw na pagkakilanlan sa mga suspek.
At dahil may “sir” ang mga triggerman, hindi kaya lalong mahirap sa Aquino administration na hanapin ang mga utak ng krimen?
KAMATAYAN SA MGA LALAWIGAN
NAKARARAMI sa mga pinaslang na mamamahayag ay taga-malalayong lugar mula sa Palasyo.
Alam ba ninyong wala na tayong naririnig na balita ukol sa kamatayan ng mga ito?
Maging ang pamamaslang kay Doc. Gerry Ortega sa Palawan, sa kabila ng pag-iingay ng mga biktima at ng mga mamamahayag, ay malabo pa rin.
Sa halip, nakalabas ng bansa ang magkapatid na Governor at Mayor Reyes na principal suspects sa krimeng ito.
Ito’y makaraang lumabas ang mga balita na may kinalaman ang dalawa sa pagpatay kay Doc. Gerry noong Enero 24, 2011.
PAGTITIWALA AT PAGBILIB
SA bagsak na rekord ng Aquino government sa media killings, sinong mamamahayag ang magbibigay kay PNoy mismo ng pasadong grado?
Kung bibigyan siya ng mataas na grado, baka marami ang bumalikwas gaya ng naganap sa Kabisayaan na sinalanta ng bagyong Yolanda.
May opisyal kasi ng pamahalaan na nagsabing masayang-masaya ang mga biktima ng bagyo at storm surge o tsunami sa ginagawa ng gobyerno sa kanila.
Anak ng tokwa, kinabukasan, lumabas ang libo-libong biktima at kinondena nila ang pagmamayabang ng opisyal.
Mali at kasinungalingan pala ang pinagsasabi ng mataas na opisyal ng pamahalaan.
Hoy, kayo, riyan, magbago na kayo bago kayo abutan ng indulto.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.
The post PAGTITIWALA KAY PNOY PABABA NANG PABABA appeared first on Remate.

