TUMIRADA na naman ang Malacañang. Sinisi ang media sa mga isinagot ni Revenue chief Kim Henares sa tanong kung sisingilin na ba niya si Manny “Pacman” Pacquiao pag-uwi nito matapos sa matagumpay na laban kontra kay Timothy Bradley sa Las Vegas.
Sagot ni collector Kim, manalo’t matalo, dapat magbayad ng buwis si Pacquiao. Kasunod nito ay nilinaw niya na hindi lamang yung siguradong US$20 milyon kita kundi pati mga endorsements at pay-per-view.
Ang totoo, kahit bombahin ng tanong si Henares ng media tungkol sa mga bayaring buwis ni Manny, bilang pagrespeto sa panalo, puwede naman niya hilingin sa nag-interview na huwag muna pag-usapan bilang pagkilala sa panalo ni Pacman na nagdala ng bagong pagkilala sa ating bansa.
Puwede siyang tumanggi na sumagot sa tanong kahit gaano pa kakulit ang media. Alam ni Henares iyan.
Puwede niyang sabihin, “puwede ba, lalaban si Manny, huwag muna” o kaya, “huwag muna, nakakahiya naman, kakapanalo lang, hayaan natin magbunyi ang taumbayan sa kanyang pagdating.”
Kahit nga isang linggo bago lumaban sa Pacquiao kay Bradley ay panay na ang banat ni Kim Henares na kahit ano pa daw ang mangyari ay sisingilin niya ito. Mantakin mo, kung manipis lang si Manny, malamang naapektuhan na siya at posibleng matalo dahil sa mga tirada ng BIR.
Noong isang taon, hindi ba si Kim ang nagpakawala ng press release kontra kay Manny tungkol sa bayaring buwis? Ito ay matapos na magpahayag na tatakbo ang Pambansang Kamao sa partido ni VP Jojo Binay!
Sa magkakasunod na press conference ng Malacañang, halata na iritado na si PCOO Secretary Herminio Coloma. Marami siyang sagot na sablay. Naalala ninyo ang sagot niya tungkol sa malalang problema ng mga pasahero ng MRT? Sumakay daw tayo ng ibang sasakyan dahil hindi lang naman MRT ang puwede.
Si Abigal Valte naman, sinakyan ang panalo ni Pacman at tanda daw iyon ng pag-unlad ng bansa at ekonomiya. Si Al Vitangcol, puro trabaho daw ang ginagawa niya at ang mga pagkukulang ngayon ng MRT ay kagagawan daw ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Madami ang taga-media na dati ay todo ang pagkampi sa kanilang boss na si Benigno Aquino III. Radyo, telebisyon at diyaryo, malaki ang pag-asa nila kay Noynoy sa usapin ng pagbabago.
Ngayon, ang maraming taga-media na nagmahal, nagtanggol at kumampi sa kanya noon ay pawang mga kritiko na.
Galit kayo sa media?
The post SAGOT NI KIM, KASALANAN DAW NG MEDIA? appeared first on Remate.

