NABABAHALA si Dr. Danielle Guillen, isang batikang traffic consultant at urban planner ng Ateneo School of Government sa uri ng Bus Rapid Transit (BRT) na gagawin natin dito sa Pilipinas.
Malamang daw kasi na magkaroon ng masamang impresyon ang mga Filipino tungkol sa BRT kung ibang model ang gagamitin natin para sa atin dito sa Kalakhang Maynila o sa Cebu. Syempre, ‘pag pumalpak ang BRT… badshot na agad ‘yan sa atin, lalo na sa mayorya.
Rinerekomenda niya ang BRT ng Guangzhou, China para maging pamantayan at modelo ng ating BRT dito sa Pilipinas.
Para kay Guillen, kumpleto sa rekado ang Guangzhou BRT. Andoon ang lahat ng importanteng component para maging successful ang ating BRT experiment. Bukod kasi sa BRT, dapat may kaakibat din itong bikeways network, greenways, at bike-share program. So, hindi ito ganu’n lang kasimple.
Samantala, “huli man daw at magaling … naihahabol din.”
Ito ang nangyayari sa mga eksperimentong ginagawa ng Mass Rail Transit (MRT) sa tulong ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) para matugunan ang kakulangan ng masasakyan ng higit kumulang na 560,000 commuters ng MRT sa EDSA. Paano, 350,000 na pasahero lamang ang kapasidad ng ating MRT. Kaya, ayun at matinding siksikan at mahabang pilahan sa ating mga istasyon ng MRT.
Nag-dry-run na ang articulated bus mula sa MRT North EDSA station sa Quezon City hanggang sa MRT Taft station sa Pasay City. Ito ay Southbound at daraan sa mga underpass at flyover ng EDSA at titigil sa tatlong MRT stations lamang: Buendia, Ayala, at Taft.
“Sa papamagitan ng articulated bus, mabibigyan natin ng pansamantalang solusyon ang siksikan sa mga MRT station habang hinihintay natin ang pagdating ng mga bagong train,” dugtong ni Ginez.
Teka, ano ba ang articulated bus?
Ito ay ang magkarugtong na bus. Iba-iba ang tawag dito: bendy buses, bending buses, tandem buses, stretched buses, double buses, banana buses, slinky buses, wiggle buses, caterpillar buses, accordion buses or vestibule buses.
Samantala, matapos ang successful na extended operating hours ng MRT noong Pebrero at Marso ay nag-experimental run din ang MRT-3 Express Train service kahapon hanggang May 20.
Ang gagawin nito ay didiretso ang mga express train sa mga istasyon na maraming pasahero na sasakay at bababa. ‘Di sila hihinto sa mga istasyon na normal lamang ang dami ng tao.
Sa umaga, ang mga pinakamataong istasyon, ayon sa DOTC, ay ang North Avenue, Quezon Ave., GMA-Kamuning, at Cubao. Karamihan dito ay sa Buendia, Ayala, Magallanes at Taft Ave. bumababa.
Sa hapon naman, kabaliktaran. Sa Taft, Magallanes, Ayala at Buendia ang may pinakamaraming sumasakay at sa Cubao, GMA-Kamuning, Quezon Ave. at North Ave. bumababa ang mga ito.
The post SUBUKAN NAMAN NATIN BUS RAPID TRANSIT appeared first on Remate.
