SA nangyayaring kaganapan sa pulitika sa bansa, isa sa mga napagtutuunan din ng pansin ay ang kondisyon ng ating mga kulungan. Hindi ito ang una nating pagsulat tungkol sa kulungan.
Hindi ba nga ay naging kontrobersyal din ang kondisyon ng mga batang nakukulong. Ang mga juvenile delinquents na isinasama sa kulungan ng mga may edad nang mga nakagawa rin ng krimen.
Bawal ito sa ating batas, dapat ang mga bata ay hindi isinasama sa karamihan kaya naman sinilip ito ng international media noon at napahiya ang ating pamahalaan nang nabunyag ang masamang kondisyon ng ating mga kulungan kung saan maraming mga menor-de-edad ang nakakulong.
Minsan naman ay pumutok din ang balita tungkol naman sa mga espesyal daw na pagtrato sa ilang mga sikat na convicted criminals. Ang iba pa raw ay solo sa isang selda at nakakalabas kung may mga gustong gawin tulad nang pagpapa-check up sa kanilang private dental doctors.
Ang isa pang isyu noon pa man ay ang sobrang bagal ng ikot ng mga kaso. Ang tagal madesisyonan ang mga nakahain sa ating mga korte kaya may mga akusado pa lang ay nakakaranas na ng sobrang hirap sa kulungan at umaabot na ng taon ang kanilang paghihintay.
Sabi ng isang nakausap ko, sa tuwing may mga kontrobersyal na personalidad ang kailangan na maihatid sa kulungan ay nasisilip ang hindi magandang kondisyon ng Philippine jail system.
Tuwing may sikat na nakakasuhan ay saka lang daw nabibigyan ng atensyon ang ating mga kulungan. Swerte pa rin ang mga sikat dahil naiisip pa agad ang magiging kondisyon nila sa kulungan, paano raw ang mga mahihirap sabi ng kausap ko.
Dahil sa tutok ng media ngayon, pwedeng mag-umpisa na ang seryosong pag-aayos sa ating mga kulungan. Na maging maayos naman sana ang kondisyon at maging makatao ang pagtrato maging sa mga kababayan natin na lumabag sa ating batas. Natural sa ating mga pinoy ang maawa at magbigay konsiderasyon, hindi nakakapagtaka na gustuhin natin na maging maayos rin ang kondisyon ng ating mga kulungan.
