AYAW ko sanang sumawsaw sa mataas na pulitika ng Pinas dahil napakagulo na ito pero bilang mamamayan na naniniwala na dapat na pairalin nang pantay-pantay ang batas, kailangan kong ilabas ang aking maliit na boses.
Ukol ito, parekoy, sa pagkontra ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno sa pagpipilit ni Solicitor General Francis Jardeleza na makapasok sa Supreme Court na associate justice bilang kapalit ni nagretirong AJ Roberto Abad.
Kinontra ni Sereno si Jardeleza bilang nominee batay sa kuwestyon sa integridad kaya sa botohan, na-out na sa mga nominado si Jardeleza.
Ngayon ay sumawsaw na ang Malakanyang na sinasabing hindi dapat makialam at ang gagawin lang nito dapat ay pumili sa mga napili na ng Judicial and Bar Council.
Lumilipad na ngayon ang mga tsismis.
Kesyo, pinapaboran ni Sereno si Commission on Audit Grace Pulido-Tan lalo’t ito ang nagpursige sa saksespul umanong paglalantad ng P10 bilyong Janet Lim-Napoles scam.
Wala umano itong katiwa-tiwala kay Jardeleza na naging tagapagtanggol ng Priority Development Assistance Fund at ang Disbursement Acceleration Program na parehong nakakuha ng botong zero mula sa SC en banc.
Sa pag-entra ng Malakanyang sa pagkadiskwalipika ni Jardeleza, hiniling nito ang pagdedeklara mismo ng SC na labag sa Konstitusyon o batas ang patakaran ng JBC na ginamit ni Sereno sa diskwalipikasyon.
Sabi ng Malakanyang, labag sa Konstitusyon o batas ang Section 2, Rule 10 JBC-009 na nagsasabing kung may isa ang kumontra sa nominado, out na ito at nangyari nga kay Jardeleza.
Paliwanag ng Malakanyang, kontra naman ito sa sinasabi ng Section 2, Rule 9 na nagsasabing dapat na lahat ng miyembro ng JBC ay bumoto laban sa nominado para maging oki ang desisyon sa diskwalipikasyon.
Hindi makakamit umano ang diwa ng Section 2, Rule 9 kung isa ang kontra pelo sa JBC.
Makakamit lang ang todo na boto kung manggagaling sa labas ng JBC ang kukuwestyon sa integridad ng nominado.
Sa gitna ng lahat ng ito, parekoy, may isang bagay na roon ako kinakabahan.
Unti-unti, ginagapang ng mga batang PNoy ang SC.
Tingnan ninyo, may apat nang batang PNoy riyan: sina C/J Sereno, AJs Bienveganido Reyes, Estela Perlas-Bernabe at Marvic Leonen.
Tapos, susunod si Tan o si Jardeleza.
Ano kaya ang kinabukasan ng SC sa susunod pang dalawang taon?
Nakatatakot isiping magiging tuta na rin kung sino-sino ang SC, kung saka-sakali, gaya ng Kamara at Senado. BURDADO/Jun Briones