HINAHANAP na ng mga kinauukulan ang 392 kataong pumasok sa Pilipinas na posibleng may dalang Middle East Respiratory Syndrome coronavirus o MERS-CoV.
Pasahero ang mga ito ng isang eroplano galing ng Saudi Arabia na Saudi Airlines flight SV870 at lumapag sa Ninoy Aquino International Airport at ng Cebu Pacific flight SJ997 na lumipad mula sa NAIA patungo ng General Santos City.
May sakay na 249 ang eroplanong Saudi habang 143 naman ang sakay ng Cebu Pacific.
Hinahanap ang mga ito dahil maaaring nahawaan sila ng nasabing sakit na wala pang tiyak na lunas at halos katumbas ng mabagsik na Severe Acute Respiratory Syndrome na pumatay ng nasa 800 katao sa China at Hong Kong noong 2002-2003.
2 PINAY NURSE
Dalawang nurse na Pinay na galing sa Saudi Arabia ang unang pinaniwalaan na nagkaroon ng MERS ngunit isa lang sa kanila ang may dalang MERS.
Parehong galing sa iisang ospital na nag-asikaso sa mga may MERS sa isang ospital sa Saudi ang mga ito.
Kaya kinokontak ngayon ng mga kinauukulan ang lahat ng sakay ng Saudi Airlines at Cebu Pacific upang kausapin ang mga ito na magpatingin sa mga ospital na pinakamalapit sa kanila.
NURSE SA S. COTABATO
Yaong sumakay sa Cebu Pacific pauwi sa kanila sa South Cotabato ang sinasabing tinamaan ng sakit.
Ang maganda, nagpa-confine na ito sa Southern Philippines Medical Center at ang specimen ng virus na nakuha sa kanya ay inilipad na sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para pag-aralan nang husto ang virus na dala-dala nito at sa Miyerkules pa malalaman ang resulta rito.
Dala-dala rin ng nurse ang kanyang buong pamilya sa ospital para magpatingin na rin.
NURSE SA BULACAN
Kung ano ang ginawa ng taga-South Cotabato, gayundin ang ginawa ng nurse na taga-Bulacan.
Nagpatingin na siya, kasama ng kanyang pamilya, sa Lung Center of the Philippines at sa awa ng Maykapal, idineklara siyang walang MERS.
Pero tiyak na oobserbahan pa rin ang lahat ng ito nang may mahigpit na habilin na huwag muna basta makipagkontakan sa kanilang mga kakilala, kamag-anak at kaibigan hangga’t hindi sila magagamot o madeklarang walang sakit na MERS.
ALALAY NG DOH
Dapat na magsilbing aral sa lahat ang ginawa ng dalawang nurse.
Hindi sila nagpakita ng tigas ng ulo sa pakiusap ng pamahalaan na magpatingin sila sa ospital. Sa halip, pumunta at nagpaeksamen sila sa mga ospital.
At sa pagkakataong ito, dapat na alalayan ng pamahalaan ang mga pamilya ng mga ito. Makaasa ba ang mga ito ng libreng pagpapa-check up, kayo riyan sa Department of Health?
PAGPAPABAYA
Alam nating malaking problema sa mga pamilya ang pagpapatingin sa mga ospital, lalo na kung pamilya na ang ipinapasok sa mga ito.
Kahit nurse na kahit papaano ay inaasahan na may kaunting ipon, madaling maubusan ito ng kita sa pagpapatingin sa ospital.
Isipin na lang na titigil ang lahat ng paghahanapbuhay ng buong pamilya sa kung ilang linggong panggagamot o pag-oobserba sa kanila.
May nakahanda na bang karampatang alalay ang pamahalaan sa mga ito?
Sinasabi natin ito sa gitna ng katotohanan na pabaya ang pamahalaan sa mga maliliit na tao, kahit pa sa mga oras ng kalamidad.
Hindi dapat na maulit nang maulit ito dahil nakataya ang kalusugan, buhay at ekonomiya ng bansa sa mga sakit na ganito.
***
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/Benny Antiporda