BINA-BRASO ng scrapper na BONAPOR ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa kabiguan nitong (BONAPOR) tumupad sa mga alituntunin sa pagkakapanalo sa bidding ng mga materyales ng lumang Subic Power Plant.
Ito Ang Totoo: magdadalawang taon na buhat nang ibigay ng SBMA sa BONAPOR ang kontrata sa halagang P36.5M kahit na may nag-alok nang mahigit sa P40M sa tinatayang P100M halaga ng mga metal, kable at makinarya na iniwan ng US Navy nang isara ang Subic bilang base noong 1992.
Makailang ulit nang binigyan ng ekstensyon ang BONAPOR pero hindi pa rin makatupad, una, dahil sa kabiguang maglatag ng proteksyon laban sa “hazardous o toxic materials” tulad ng asbestos at PCB at nitong huli ay hindi makakuha ng clearance sa Subic Enerzone Corp., kasalukuyang power plant operator sa Freeport.
Nagtapos nitong Agosto 2014 ang pinakahuling ekstensiyon na ibinigay ng SBMA sa BONAPOR pero sa halip na panindigan ang mga pangako ay kung saan-saan at kani-kanino lumalapit para magpa-padrino.
Nanghihingi ng “notice to proceed” ang BONAPOR kahit ang mga kondisyones na nilagdaan nito ay hindi natugunan.
Isa pa, tumatanggi itong magbayad ng upa sa lugar na natetengga sa sariling kapalpakan kahit ang nagsabi na nga ay ang Commission on Audit (COA).
Sabi nang kasunduan noong Pebrero 2014, kapag hindi pa rin nakatupad ang BONAPOR sa anomang dahilan ay sapat na itong batayan para bawiin ng SBMA ang kontrata pero ngayon ay pumapalag ang una, pati kondisyong inayunan ay ayaw nang panindigan.
Ito Ang Totoo: magulo talaga ang transaksyon simula’t sapul, gaya nang isinulat na natin dito.
Nag-resign ang hepe ng unang Bids & Awards committee na si Atty. Maria Leonora Tabladillo dahil inilapit sa kanya umano ni SBMA Director Philip Camara ang isang Oscar “OCA” Cruz ng kompanyang Speed Plus.
May COA document na nagpapatunay na si Camara at Cruz ay nagkita dahil sinubukang ipa-reimburse ni Camara ang ginastos sa kinain nila.
‘Di kaya si Cruz ang nagbayad at hiningi mo lang ang resibo, direk? Hehehe!
Nagkaroon ng failed bidding, disqualification at sa bandang huli, BONAPOR na ang nanalo sa mas maliit na halaga pero mga taga-Speed Plus ni Cruz ang kumikilos.
Inaabangan natin kung maninindigan ang SBMA sa desisyon nito sa kaso ng BONAPOR dahil malalaman natin dito kung mas marami ang miyembro nitong matitino sa loko.
Ito Ang Totoo! ITO ANG TOTOO/VIC V. VIZCOCHO, JR.
