NORMAL na larawan ng pulitika sa mahal kong Pinas ang nagaganap sa pagitan nina Mayor Fred Lim at Vice Mayor Isko Moreno.
Normal na may maniobrahan sa kampanya laban sa isa’t isa bagama’t sa totoo lang, hindi naman sila ang magkalaban.
Ang magkalaban ay walang iba kundi sina Erap at Dirty Harry sa pagkamayor.
Sa huli, lalabas na Estrada at Lim ang lalagyan ng tsek sa mga kahon ng mga botante at hindi si Isko.
MAY EPEKTO BA SI ISKO?
Ang tanong lang sa labanang Erap vs Dirty Harry ay kung may maitutulong ang kontrobersya na kinasasangkutan ni Isko sa kandidatura ng dalawang gustong maging mayor ng Maynila sa 2013 hanggang 2016.
Kasi lumalabas na parehong may bentahe at disbentahe si Isko pabor o kontra kay Erap, gayundin kay Dirty Harry.
LABASAN NG BAHO
Kung maglalabasan ng baho ang magkabilang panig bilang number one na taktika sa laban, lalong maganda.
Lalong maganda para sa mamamayan at botante dahil dito maihihiwalay ang katotohanan at kasinungalingan.
Kung sino kina Erap at Dirty Harry ang nagtataglay ng higit na katotohanan kaysa kasinungalingan, ang bo-tante ang magpapasya sa darating na halalan.
Kung magiging neck to neck ang laban, ibig sabihin magiging tuliro ang mga Manilenyo sa paghuhusga sa dalawa.
At maaaring hahantong ang lahat sa protesta hanggang sa umabot ang lahat sa puntong walang maipoproklamang mayor ng Maynila kaagad.
LANDSLIDE
Kung magkakaroon ng landslide, diyan na masasabing “the people have spoken.”
Dapat na sumunod na ang lahat sa kagustuhan ng sambayanan, este, ng Manilenyo.
Papayuhan na natin ang talo na tumanggap ng pagkatalo at huwag nang hilahin ang lungsod ng Maynila sa katakot-takot na labanan sa Comelec at hukuman.
Mahirap yatang magkaroon ng pamahalaan na paralisado dahil sa agawan sa puwesto ng mga lider.
Diyan, hindi na makasasahod ang mga empleyado ng pamahalaan, wala pang maibibigay na public service mismo ang pamahalaan.
KRIMEN AT KORAPSYON LALALA
Kapag hindi matanggap ng isa’t isa ang panalo at pagkatalo at daraanin nina Erap at Lim ang lahat sa kasuhan sa Comelec at hukuman, sa palagay ninyo, ano ang mangyayari?
Lalala tiyak ang krimen.
Bakit?
Walang magbibigay ng dagdag na panggasolina sa mga pulis na nagpapatrulya laban sa mga kriminal na riding in tandem, holdaper, akyat-bahay, kidnapper for ransom, tulak, druglord, kotongero at marami pang iba.
Dahil naman sa kawalan ng sahod ng mga empleyado, diyan papasok ang mga pangongotong sa mga lansangan ng mga traffic enforcer at traffic police.
Magkakaroon din ng mga tongpats at under the table sa mga transaksyon sa city hall.
KALAMIDAD LALALA
Paano ang mga kalamidad na sunog, sakit, baha, trapik, aksidente at iba pa?
Dahil walang panggasolina at sahod ang mga bumbero, paano makareresponde ang mga ito sa sunog at emergency?
Ang mga doktor, nurse, midwife at iba pa na nagtatrabaho sa mga ospital at health center ng lungsod, paano sila?
Baka sila na rin mismo ang magkasakit at magsilayasan para mag-asikaso sa mamamayan.
Ang dami pa namang mga may sakit ngayon.
Paano naman kung titigil ang malalaking bahagi ng Maynila dahil sa trapik?
Sa palagay ba ninyo ay tuloy-tuloy ang volunteerism ng mga yellow boy ng Maynila?
HINDI AABOT SA PATAYAN
Dalangin lang natin na hindi aabot sa pagdanak ng dugo ang pulitika sa Maynila.
Ang natatandaan natin, sa buong buhay natin na sumusubaybay sa pulitika rito, wala pang nagpapatayan na mga mayor at vice mayor.
Walang puwang ang patayan sa pulitika sa Maynila.
Kung meron man, mga lasing lang na nagdedebate ukol sa mga politiko ang nagkakadisgrasyahan.
Hindi ang mga politiko mismo.
PAYO KINA ISKO, ERAP AT LIM
Kung iisipin, wala tayo sa lugar o poder na magbigay-payo sa mga beteranong politikong ito.
Ang meron lang tayo ay bilang mamamayan at mediaman na pupuwedeng maapektuhan kung magpapatayan ang magkabilang panig.
‘Yun bang === baka madamay riyan ang mediamen na lagi na lang nadadamay sa mga patayan at siraan ng mga politiko.
Kahit isang buhay ng mediamen ay hindi natin hahayaang malagas dahil lamang sa mga kapritso ng mga politiko.
Pero kung sakaling may mangyari sa mediamen at sinomang mamamayan na lalapit sa atin upang magpatulong, tiyak na kikilos tayo para makamit ang katarungan.
RELAKS LANG
Makatutulong ng malaki ang mga Manilenyo para gawing mapayapa at malinis ang halalang 2013 sa lungsod.
Pupuwede nilang ipagmalaki ang kanilang kasaysayan na walang nagpapatayang politiko sa kanilang mahal na bayan.
At sport lang ang mga politiko sa pagkatalo at panalo.
Pupuwedeng hindi bigyan ng puwang ang mga tagabulong ng magkabilang panig bilang mga sulsol hanggang sa mapraning ang mga politiko.
Hamon ito sa mga Manilenyo.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.