ANG dami na naman nating mga bagong bansag.
Noon nakasama tayo sa mga “most happy people” raw bilang mga Pinoy.
Tapos siyempre ‘yung “texting capital of the world” na ang puwedeng ipahiwatig ay hindi tayo nagkukulang sa komunikasyon sa mga mahal natin sa buhay at mga kakilala at kaibigan.
Lumabas naman itong bago lang na “most romantic destination” din tayo dahil ang mga tanawin dito sa ating magandang bansa ay kabilang sa mga pinakamagagandang pasyalan para sa mga turista.
Lahat ng mga bansag na ito ay makabubuti sa ating ekonomiya dahil napapansin tayo at gusto tayong puntahan ng mga taga-ibang bansa. Para mamasyal lang o para mamuhunan.
Okay na sana lahat.
Noon ko pa sinasabi na malaking bagay talaga ang maidudulot ng turismo sa pag-angat natin bilang isang bansa.
Pero may “hitches”, mga sabit, ika nga.
May mga maliliit na balakid na hindi naman imposibleng malampasan basta lang aaminin natin na ang mga “balakid” na ito ay mahalagang maiayos sa madaling panahon at ang ating pamahalaan mismo ang gumawa ng paraan para mawala ang mga sabit at balakid.
Una, ang mga airport natin, pangalawa ang kaayusan at kapayapaan.
Hindi naman ako naniniwala na sa atin lang sa Pilipinas may marumi raw at inefficient na airport facilities.
Hindi ako naniniwala na sa ating bansa lang nakararanas ng gulo at paminsang karahasan ang mga turista.
May kanya-kanyang hamon ang mga bansa, may gulo rin sa iba, may mga sakuna rin at mga krimen.
Ang kaso nga, may magagandang bansag tungkol sa Pilipinas na ika nga, eh, nagbibigay ng “pressure” sa atin na mas umangat pa at mas pagsikapan na maiayos ang mga sabit at balakid sa pinakamadaling panahon.
Sayang naman kasi.
Sa tuwing naibabalita sa mga pahayagan, TV at mga internet site ang mga magaganda tungkol sa Pilipinas, ang mga dayuhan ay mag-iisip agad na bumisita, titingnan nila ang sitwasyon dito at mula roon ay marami na ang pwedeng positibong mangyari.
Eh, kung sa pagpunta pa lang ng mga bisita rito ay sasalubungin na agad sila ng mga sabit at balakid, turned-off na agad sila.
Ang mga maganda tungkol sa atin na espesyal na sa atin ay matatabunan ng pangit na hindi lang naman sa atin nangyayari.
Malaking hamon sa ating pamahalaan na tuluyan nang mapatag ang mga sabit at balakid para mas umangat pa ang Pinoy sa mundo.