HANDA si dating Pangulo at ngayon ay Manila Mayor Erap Estrada na maging pambato ng oposisyon sakaling magtuloy-tuloy ang pagbagsak ng approval rating ni VP Jojo Binay.
Ito ang impormasyon nating nakalap dahil busy na umano ang mga tapat na tauhan ni Erap sa pag-oorganisa at pagtimbre sa kanilang mga tauhan sa iba’t ibang panig ng bansa na “be ready” lang dahil posibleng tumakbo muli ang ama ni Jinggoy sa pinakamataas na puwesto sa bansa.
Sa madaling salita, all system go ang ginagawang paghahanda ng pro-Erap groups sa 2016 presidential polls dahil naniniwala ang mga ito na magtuloy-tuloy raw ang pagbagsak ni Binay sa mga survey.
Maging ang balakid sa pagtakbo ni Erap sa magiging desisyon ng Korte Suprema tungkol sa kanyang pardon ay inaasikaso na rin daw ng dating Pangulo na malapit nang mag-80-anyos sa 2016 para smooth daw ang maging takbo ng mayor ni Isko Moreno.
Kinokonsidera rin daw ng mga bata ni Erap na gawing ka-tandem na lamang nito si Binay bilang Vice-President dahil maganda naman daw ang pinagsamahan ng dalawang lider oposisyon.
Sa nakaraang 3rd quarter survey ng Pulse Asia, umabot sa 15% ang ibinaba ng trust rating ni Binay, bagay na napakabigat sa isang tao na naghahangad ng pinakamataas na puwesto sa bansa.
Naniniwala rin daw ang mga loyalist ni Erap na hindi tatantanan ng kasalukuyang kaibayo nila sa politika itong si Binay dahil ito talaga ang pinakamabigat na kalaban ni Mar Roxas.
Bukod kay Binay, ikinokonsidera rin ng kampo ni Estrada sina Senador Grace Poe at Bongbong Marcos bilang mga posibleng ka-tandem ni Erap sa 2016.
Bukod sa pagliligtas sa tsansa ng oposisyon sa 2016, naniniwala raw si Erap na ang pagkakapanalo niyang muli sa presidential election ang tanging paraan para masagip niya ang kanyang anak na si Jinggoy na may kasong plunder at nakakulong sa Camp Crame. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
