UMAASA ang Social Security System (SSS) na makapagkolekta ng P14.4-milyong dagdag na kontribusyon kada taon matapos kilalanin ng ahensya ang bagong siyam na kooperatiba bilang katuwang sa pagkuha ng member-contributions at magbigay ng serbisyo ukol sa social security services.
Ayon kay SSS President and Chief Executive Officer Emilio S. De Quiros, Jr, “Kapag pinagsama-sama ang siyam na kooperatibang ito, meron itong 90,377 miyembro, at sila ay magtatala ng mga bagong pangalan upang maipasok ang 7,050 bagong miyembro nito sa SSS kada taon.”
Ayon pa kay De Quiros, patuloy ang SSS sa paghahanap ng mga paraan upang ang kanilang social security services ay madaling mapupuntahan at maabot ng mga miyembro nito. Ang pagkilala sa mga bagong kooperatiba ang magbibigay sa mga miyembro sa kanilang nasasakupan ang mas mabilis na paraan kung paano makipag-ugnayan sa SSS.
Ang mga bagong kinilala kamakailan ay ang mga sumusunod: Sta Cruz Savings and Development Cooperative (SACDECO) at Sacred Heart Savings Cooperative (SHSC) sa Ilocos Sur, Pintuyan National Vocational School Multi-Purpose Cooperative (PNVSMPC) saTimog Leyte, Pinoy Lingap Damayan Credit Cooperative (PDLCC) sa Catanduanes, Tubungan Employees Development Cooperative (TEDCO) sa Iloilo, Alicia Neighborhood Multi-Purpose Cooperative (ALNEMPCO) sa Zamboanga-Sibugay, Gata Daku Multi-Purpose Cooperative (GDMPC) sa Misamis Oriental, Guadalupe Community Multi-Purpose Cooperative (GCPMC) sa Cebu, at Alalay sa Kaunlaran, Inc. Multi-Purpose Cooperative (ASKI MPC) sa Nueva Ecija.
Sa siyam na mga bagong kooperatiba, ang PNVSMPC sa Timog Leyte at ang PDLCC sa Catanduanes ang kikilos bilang mga ahente ng SSS para sa pagkuha ng kanilang member contributions, bayad sa pautang nito at pati na rin sa mga bayarin sa ibang transaksyon tulad ng pagkuha ng mga bayad sa pagpalit ng mga kard ng UMID.
Maliban sa koleksyon, nangako ang SACDECO, SHSC, TEDCO, ALNEMPCO, GDMPC, GCPMC, at ASKI MPC na tutulungan ang SSS sa pagtanggap at pagsala sa mga aplikasyon para sa pagpapalista, salary loans and funeral claims. ANG INYONG LINGKOD/DR. HILDA ONG

