BUKOD sa kriminalidad, dapat ay tutukan ni Bulacan PD S/Supt. Ferdinand Divina ang lumalalang problema ng droga at illegal vices sa kanyang AOR (Area of Responsibility).
Sa halos araw-araw, laman sa mga diyaryo ang patayan, holdapan at kung ano-anong pang krimen na nangyayari sa lalawigan.
Noong nakaraang araw lang, dalawang pulis ang pinagbabaril sa San Jose del Monte, at ang ulat, kagagawan ito ng drug syndicate.
At bukod sa ‘di masugpo-sugpong kriminalidad, ay hindi rin maitatatwa ang operasyon ng droga at namamayagpag na iligal na sugal dito.
Kung sabagay, ‘di na ako nagugulat sa mga balitang napakatindi ang operasyon ng droga at illegal vices sa AOR ni Col. Divina.
Dahil maraming magulang na ang lumapit sa atin para tulungan ang mga anak o miyembro ng pamilya na nalulong ng droga.
Inireklamo ang kahinaan ng Bulacan PNP na sugpuin ang lantarang bentahan ng droga sa mga bayan at lungsod ng Bulacan.
Dahil tayo’y ‘di awtoridad, ang nagawa lang natin ay matulungan ang mga nalulong sa droga na madala sa rehab centers.
Kwento nga sa chokepoint ng isang magulang, nasira ang buhay ng kanyang anak mula nang matutunan ang paggamit ng shabu.
Ang akala namin nag-aaral ang anak, anila, pero nalululong na pala ito sa kasisinghot ng shabu at pagtaya sa iba’t ibang uri ng sugal.
Sa kanilang lugar sa San Jose Del Monte, lantaran daw kasi ang operasyon ng sugal tulad ng jueteng, lotteng, video-karera, atbp.
Para lamang daw ma-sustain ang bisyong droga at sugal, nagnanakaw at kung ano-anong bagay na gamit sa bahay ang ibinebenta ng adik na anak.
Sa totoo lang, kalat ang shabu at sugal sa lalawigan na ito, pero tayo’y nagtataka dahil kukuyakuyakoy lang si Colonel.
Alam kaya ni Col. Divina na galit si Sec. Mar Roxas sa mga commander na ‘di nagde-deliver sa kanilang trabaho at responsibilidad?
At ang tagubilin ni Dir. Gen. Alan Purisima, ipagbigay-alam sa kanya ang mga commander na tutulog-tulog sa pansitan.
Patay kang bata ka! CHOKEPOINT/BONG PADUA
