MASAKIT ang hamon ni Pangulong Benigno Aquino 3rd kay Vice-President Jejomar “Jojo” Binay kamakailan. “Kung ayaw mo nang maging miyembro ng gabinete, magbitiw ka at huwag kang gumawa ng problema kundi tumulong sa solusyon.”
Sumagot si VP Binay, “I am a team player and will stay with PNoy team with high regards and respect.” Sa basa ko sa sagot ni ni Ka Jojo, ito’y isang paniguro na hindi siya mawawala sa sirkulasyon. Hindi lamang sa tabi ni PNoy kundi sa angkan ng Cojuanco-Aquino na nagbigay sa kanya ng pagbabago sa buhay… at kayamanan!
Mula sa isang simpleng human rights lawyer, iniupo siya ni dating Pangulong Cory Aquino bilang Officer-In-Charge (OIC) Mayor ng Makati City. Noong manumpa siya, lumang barong at sando ang suot, maluwag na pantalon at halos sasabog na ang sapatos.
Opo, ganyan kahirap ang isang Jojo Binay noon.
Nakasama natin siya sa mga rali at kilos-protesta noong panahon ng diktadurya. Maitim na tayo, pero mas sunog ang balat niya na nangingintab dahil sa kalalakad. Kulang kasi siya noon ng pamasahe patungo sa mga korte bilang abogado ng mga aktibista at makabayang lider at politiko.
Ang katapatan niya kay Cory at mga Cojuanco ay hindi masusukat. Halos ibigay ang buhay laban sa mga naglunsad ng kudeta laban sa rehimen ng babaeng Cojuanco-Aquino.
Ngayon, natataya si Binay sa isang laban na maaaring magpabagsak hindi lang sa kanyang ambisyong pulitikal kundi ng buong kabuhayan. Hindi biro ang mga bintang sa kanya ng dalawang ambisyoso na gustong maging Pangulo at Pangalawang Pangulo.
Kailangan niyang harapin ang namumuong kaso.
Nainip dahil hindi niya naramdaman ang alagang PNoy kaya nagsalita siya na animo ay palaban na. Halos ibulgar niya ang kahinaan ng liderato ni Noynoy. Sinumbatan sa kuwestyunableng pagpapatalsik kay dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona at ang kapabayaan sa mamamayan na biktima ng mga nagdaang delubyo at kalamidad.
Pero matindi ang huling banat niya. Sinumbatan niya si Aquino sa ginagawang pagpapahirap kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Hindi raw makatao. Walang katarungan!
Nang sabihin ni Binay iyon, naniwala ako na walang alam si PNoy. Wala siyang narinig dahil abala siya sa kanyang sarili. Paniwala natin, may nagsubo sa kanya ng impormasyon sa tirada ni VP Binay.
‘Yun na. Nasaktan niya si Noynoy. Ayaw sa lahat marinig ng Pangulo ang pangalang PGMA! Nagalit si PNoy at halos patalsikin na si Binay sa puwesto. Pero hayun ang VP, team player daw siya kahit ano ang mangyari?
Wow, sa kanyang pahayag, malinaw, takot siyang maihiwalay sa pundya ni Aquino! BALETODO/ED VERZOLA
