DAHIL sa isang appointment, bigla akong napadpad kamakailan sa Lung Center hospital pero agad ko ring nilisan ang pagamutan.
Matanda na ang Lung Center, pero noon ko pa lamang napasyalan at natunghayan ang kapaligiran at kaloob-looban ng ospital.
Sa totoo lang, may takot ako sa ospital.
Kung hindi nga lang importante ang aking pakay, ‘di ako dapat napunta sa ospital na ito .
Kung bakit? Marahil dahil ang aking mga magulang at dalawang kapatid ay matagal na naratay sa ospital bago nagsipanaw.
Parang nagbabalik ang nakaraan kapag nakakikita ako ng mga may sakit. Ganyan ang naramdaman ko kamakailan sa Lung Center.
Dahil ayaw kong sariwain ang nakaraan, umikot ako kung saan-saan para sana ‘di makakita ng may sakit, pero ako’y nagkamali.
Dahil sa bawa’t lugar na aking naraanan, kumpol ang mga may sakit na naghihintay para sa kanilang medical check-up.
Karamihan ay naka-dextrose na nakasakay sa wheel chairs at pakiwari ko’y malubhang-malubha ang kanilang sakit.
Awa ang aking naramdaman pero ano ang magagawa ko? Kung ako sana ay katulad ni Bill Gates, ‘di na sila kailangang pumila pa.
Sa aking pag-uwi, biglang sumagi sa aking isipan ang pumanaw na kung tawagi’y diktador – si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ang Lung Center, Philippine Heart Center, Children’s hospital at marami pang ospital ay natayo noong panahon ni Apo Ferdie.
Kapag minumura si Apo, ako’y napapamura rin.
Pero napakarami pala niyang nagawa na hanggang ngayon ay tinatamasa natin.
Bukod sa mga ospital na ito, si apo ang nagsimula sa LRT, gumawa ng kilalang International Convention Center, Cultural Center at maraming iba pa.
Ang mga may sakit sa mga ospital na ito at ang mga sumasakay sa LRT, tiyak na nararamdaman nila ang pamana ni Apo.
Ngayong panahon na tila walang pakialam ang gobyerno, tila baga nagbabalik sa alaala ng marami ang kinamumuhiang si Apo Marcos.
At kung sa kanyang mga kalaban siya’y masama, sa mga tumatamasa sa kanyang mga nagawa, si Marcos ay isang mabuting tao.
‘Yan ang nararamdaman ng maraming Juan at Maria na hindi nakakaramdam ng totoong paglilingkod sa kasalukuyang administrasyon. CHOKEPOINT/BONG PADUA
