ANONG klaseng kapalpakan ito? Nawala raw ang sulat ng Sultan ng Sulo kay Pangulong Benigno Simeon Aquino III nuong 2010 kaya hindi ito nakunsulta ng pamahalaan kaugnay nang pakikipagusap nito sa Moro Islamic Liberation Front.
Ito ang inamin ng pangulo kamakailan. Pero imbes na humingi siya ng paumanhin dahil sa pangyayaring ito ay tila nanakot pang sinabihan si Sultan Jamalul Kiram III na pauwiin na ang kanyang maliit na hukbo kung ayaw nitong maharap sa asunto dahil sa paglabag sa saligang batas.
Ilan kayang mahalagang dokumento ang hindi nabasa ni Pangulong B.S. Aquino dahil nawala ito? Paano tayong makakasiguro na hindi nawawalan o nananakawan ng mga sensitibong dokumento ang Malacanang? Ano ang gagawin ni Pangulong B.S. Aquino sa mga taong responsible sa pagkawala ng sulat? Hindi kaya ito ay isang palusot at talagang hindi lang pinansin si Sultan Kiram dahil ibig maluto kaagad ang usaping pangkapayapaan?
Isipin na lamang kung ilang dekada na ang usapin kaugnay nang paghahabol ng Sultanado ng Sulu sa Sabah subalit walang ginagawa ang gobyerno mula nuong panahon ni Pangulong Cory Aquino hanggang ngayon. Parang takot na takot ang pamahalaan, lalo na ang administrasyong ito, sa Malaysia.
Maliban sa pagpapakulong sa mga Filipino domestic helpers dahil sa pagsisimba nila sa mga simbahang Kristyano at ang pagtanggi na ibalik sa bansa si Manuel Amalilio na sinasabing isang malaking manggangantso sa Mindanao ay ano bang mayroon ang mga Malaysian na dapat tayong mangayupapa sa kanilang paanan?
Ang kilos ni Aquino ay malinaw na pahiwatig na wala itong interes na habulin ang Sabah mula sa Malaysia, siguro dahil hindi ito inutos ng United States. Kawawa naman ang Sultanado ng Sulu dahil tila walang ibig tumulong dito. Kung hindi natin tutulungan ang mga kapatid nating ito ay mag-iisa lamang sila sa mundo. Ito ba ang ibig sabihin ng tuwid na daan ang pabayaan mo ang iyong kapatid?
Ang Sabah ay iniregalo ng Sultanado ng Brunei sa Sultanado ng Sulu nuong 1658. Ito ay inupahan ng mga Ingles sa pamamagitan ng British East India Company nuong 1761. Subalit nuong 1963 nang bigyang laya ng mga Inlges ang Malaysia ay hindi nito ibinalik ang Sabah sa Sultanado ng Sulu at bagkus ay isinama ito sa Pederasyon ng Malaysia.
Pansinin na higit na mas matanda pa ang Sultanado ng Sulu na itinatag nuong 1465 kaysa sa ating kasalukuyang republika na itinayo lamang nuong 1946.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort, Indigo Bay Subdivision, barangay Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Tawagan ninyo si Gene Lorenzo sa 09063555560 para sa karagdagang impormasyon.
