MARAMI ang nagdududa sa sinseridad ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na magkaroon ng tunay na kapayapaan sa Mindanao.
Nangako ang mga opisyal ng MILF na isasauli ang mga “ninakaw” na armas at personal na gamit mula sa mga napatay na 44 police Special Action Force commando sa Mamasapano, Maguindanao pero wala silang ibinigay na eksaktong petsa kung kailan ito tutuparin.
Bukod sa pangakong hindi pa tinutupad, inisnab ni MILF peace panel head Mohagher Iqbal ang imbitasyon sa kanya na humarap sa Senate probe kaugnay ng January 25 encounter.
Anang ilang senador, kawalan ito ng paggalang sa mataas na kapulungan ng Kongreso at tila pag-iwas sa tiyak na gagawing pagdikdik sa MILF.
Ang MILF, katulong ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, ang responsable sa masaker sa 44 SAF commandos na ang tanging pakay ay tugisin sina Jemaah Islamiyah terrorists Zulkifli bin Hir, a.k.a. Marwan at Abdul Basit Usman.
Nagpadala lamang ang MILF sa Senado ng isang kinatawan na hindi naman makapagbigay ng mga kategorikal na sagot, gaya na lamang kung kailan isusuko ang mga tinangay na armas at kung isusuko ba nito si Usman sa mga awtoridad. Mahigit dalawang linggo na rin mula nang maganap ang masaker sa mga kaawa-awang pulis. At mahigit dalawang linggo na rin nang manawagan si Pangulong Aquino sa pamamagitan ng “nationally televised address” na ipakita ng MILF ang sinseridad nito sa pagkakaroon ng kapayapaan kung isusuko nito ang mga pumatay ‘SAF 44′ at isasauli ang mga ninakaw sa mga pulis.
Hiniling din ng Pangulo sa MILF na isuko si Usman o kaya’y tumulong sa pagdakip sa lider ng BIFF. O kung hindi naman, hiniling ng Pangulo na huwag makialam ang MILF sa sandaling maglunsad ang mga tropa ng pamahalaan ng pagtugis sa nasabing terorista.
Nagkaroon ng pagdududa ang gobyerno sa katapatan ng MILF sa usaping pangkapayapaan dahil sa mga report na si Marwan ay kinakanlong nito.
Palibhasa, si Marwan na wanted sa maraming pag-atake, kabilang ang 2002 nightclub bombings sa Bali, Indonesia na ikinamatay ng 202 katao, ay nagtuturo umano sa MILF sa paggawa ng bomba.
Sinasabing may 300 katao nang naturuan sa paggawa ng pampasabog si Marwan sa Mindanao.
Idiniin ng MILF na hindi sila terorista. At itinatanggi na kinanlong nito si Marwan. Pero maraming intelligence report hinggil sa “link” ng MILF sa Al Qaeda at kay Marwan.
May report din na ang BIFF ay hiwalay na grupo ng MILF at nagsisilbing taga-atake nito.
Kaya nga ang naging tanong ni Sen. Alan Peter Cayetano, nakikipagnegosasyon ba ang pamahalaan sa mga terorista? Kung hindi terorista ang MILF, bakit hindi ito makapagpakita ng sinseridad? KANTO’T SULOK/NATS TABOY