KAYRAMING sektor ang humihiling na mag-resign na si President Noynoy sa pagka-Pangulo dahil sa napakaraming akusasyon laban sa kanya.
Meron namang nagtataka kung bakit wala ni isang raliyesta na nagde-demand na si Vice-President Jojo Binay ay mag-resign din sa rami ng mga anomalyang kanyang kinahaharap sa husgado at sa Senado.
Nakapagtataka rin na bakit ang popularity ni Noynoy ay lalong nahuhulog sa bangin samantalang ang confidence naman pabor kay Binay at unti-unti nang nakababangon.
Tuwid na Daan ang sigaw ni Noynoy sa kanyang mga boss (sino kaya sila?) kaya at pinasisibak niya ang mga taong dating ka-alyado ni Gloria Macapagal-Arroyo.
Subalit sa dinami-rami ng mga kasong kinasasangkutan ng mga kaibigan ni Noynoy, ni isa sa kanila ay never man lang natapik sa balikat ng Pangulo dahil sa mga kasong graft and corruption.
Nag-sample naman si Noynoy na tanggalin na si Ruffy Biazon bilang customs commissioner, pero ang kaso ay hindi tungkol sa customs o smuggling man lang kundi tungkol sa PDAF.
Pero ni wala man lamang kibo si Pangulo tungkol kina Sekretaryo Procy Alcala at alalay niya sa department of agriculture.
Wala ring batikos si Noynoy kina Dinky Soliman o kaya kay Abaya at marami pang iba.
Ni hindi rin kumikibo si Noynoy sa mga kaso ng mga Binay sa Ombudsman at sa Senado gayong matapos ang maraming sitsit ay finally tinanggal si commissioner Biazon sa Customs.
Bakit kaya hindi matanggal ni Noynoy si Jojo Binay sa pagka-member ng Cabinet sa kabila ng mga akusasyon laban kay VP?
Sa hula ko ay kailangan pa ni Noynoy si Binay at ang kanyang pamilya bilang pananggalang kung sakaling matanggal si Noy sa pagka-Pangulo o makulong pagkatapos ng kanyang termino. DEEP FRIED/RAUL VALINO
