HINDI na lihim ang papel ng Malaysia sa ipinagpipilitan na kasunduang pangkapayapaan ni Don Benigno Aquino III sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Sa nangyari na masaker sa Mamasapano noong Enero 25, lalong nadiin ang relasyon ni G. Aquino hindi lang sa MILF kundi sa Malaysia.
Mismong mga lider Muslim ang nagsasabi, isailalim ng Malaysia ang BBL.
Kung iyon ang gusto ng MILF at Malaysia, sige, pumayag na tayo pero sa isang kondisyon.
IBALIK NA NG MALAYSIA SA PILIPINAS ANG SABAH O BORNEO.
Malinaw ang mga dokumento na nagsasabi at nagpapakita na patuloy ang pagbabayad ng gobyernong Malaysia ng kanilang upa sa Sultanate of Sulu.
Dahil sa katrayduran ng Britanya na siyang una na umupa sa Borneo, ibinigay nila sa Malaysia ang pamamahala at bayad-upa sa Pilipinas o Sultanate of Sulu.
Sa mga nangyayari kasi, kita ang pagpabor mismo ni PNOY na isalaksak “at all cost” ang BBL.
Ibig bang sabihin kahit magkano ang hingin ng mga mambabatas basta isabatas nila ang BBL? Open budget?
Ganyan na nga ba talaga kasuwapang ang mga lawmakers ng 16th Congress?
Katulad ng pag-amin ni MNLF chair Nur Misuari, Malaysia rin ang nagsulsol sa kanila para labanan ang gobyerno na kasapakat din noon si Ka Ninoy, tatay ni Noynoy, para lang wasakin ang diktaduryang Marcos para siya ang maupo sa Malacañang.
Nabuo ang ARMM pero ayaw nina Misuari ang mapailalim sa dikta ng Malaysia kaya kumuha ito ng iba, isinilang ang MILF!
Ngayon, para lubusang mabura ang pwersa ni Misuari at MNLF, buburahin ang ARMM at ipapalit ang Bangsamoro State?
NO WAY! Iisa lang ang Republika ng Pilipinas at hindi maaaring magkaroon ng ibang estado! Noynoy!!!
Hindi totoo na “failed experiment” ang ARMM katulad ng sinabi ni G. Aquino.
Ang mga nagpatakbo ang nagkulang sa pamamahala katulad din ng pabayang rehimen ni Aquino sapul ng maupo siya sa poder.
Kailangan lamang na makakuha ng totoo at tapat na mamamahala sa ARMM, sa kabuuan ng bansa at sa bawat lokal na pamahalaan. At kung patuloy na ipagpipilitan ni Noynoy ang kanyang “at all cost” para maipasa ang BBL, isa lang ang dapat natin na pagkasunduan.
Sabihin sa Malaysia na IBALIK NILA SA ATIN ANG BORNEO na walang kondisyon!
Kung ayaw ibalik ng Malaysia ang Sabah-Borneo, IBASURA NANG LUBUSAN ANG BBL!!! BALETODO/ED VERZOLA
