PAANO nga bang mula sa pagiging isang dating bokalista ay naging isang iginagalang at magaling na PR Manager sa Thailand si Mike Hernandez, isang Pinoy OFW roon?
Sa minsan kong pagbisita sa Thailand ay napuntahan ko ang isang pasyalan na kung tawagin ay Nong Nooch Tropical Garden na matatagpuan sa Pattaya, Thailand.
Sinasabing isa ito sa pinakamalaki at pinakamagandang lugar doon at tunay na ipinagmamalaki ng mga mamamayan ng Pattaya.
Dito ko nakilala si Mike Hernandez, Filipino at nagsisilbing PR Manager ng nasabing pasyalan.
Tubong Sta. Rosa, Laguna si Mike, nagtapos siya ng kursong Architectural drafting sa St. Louise Colleges sa Laguna, ngunit ang pagiging bokalista ng isang banda ang kanyang trabaho at pinagkakaabalahan noong siya ay nasa Pilipinas pa.
“Sa Pilipinas, kumakanta ako sa Makati at sa Alabang,” wika niya.
Hanggang sa isang oportunidad na makarating sa Thailand ang naibigay sa kanya, at bagama’t sa Amerika talaga nais pumunta ni Mike, tinanggap na rin niya ang pagkakataong iyon.
Ayon kay Mike, hindi naging madali ang unang mga buwan ng kanyang pananatili sa Thailand dahil mabilis man siyang nakapag-adjust sa kultura roon na ayon na rin sa kanya ay tila hindi nalalayo sa ating kultura, ay naging pagsubok sa kanya na hindi agad siya pinalad na makahanap at magkaroon ng trabaho.
Hanggang sa isang Filipina ang tumulong sa kanya – ang presidente ng Association of Filipinos in Pattaya na si Virginia Sorensen.
Ito ang tumulong sa kanya para makapagtrabaho sa Nong Nooch Tropical Garden.
Noong umpisa tila isang tour guide lamang ang trabaho niya roon sa 600 acres na park at mga VIP ang itinutour niya.
Hindi nagtagal, unti-unting napansin ng Thais ang kakayahan ni Mike, maging ang kanyang kursong Architectural drafting ay nagamit na rin niya at hindi nga nagtagal ay naging PR Manager siya ng nasabing pasyalan.
“Ang mga Thai ay naniniwala sa kakayahan ng mga Filipino. Unang-una ‘yung flexibility natin gaya ko minsan kumakanta rin ako dito sa gabi, nagde-design na rin ako ng ibang parts ng mga garden…Never pa akong nagsabi na ayaw ko,” sagot niya sa akin siyang tanungin kung ano sa tingin niya ang susi ng kanyang tagumpay.
Kasabay ng sipag at tiyaga, hindi pagsuko at laging pagiging bukas sa oportunidad ang naging daan upang tamasahin ni Mike Hernandez ang tagumpay niya ngayon.
Sabi nga niya never pa siyang umayaw o sumuko.
Ang buhay ng tao ay punom- puno ng mga pagpipilian, pag-dedesisyon at mga hamon, subalit ang pagsuko o pag-iwas sa mga hamon na ito ay hindi solusyon kung ang daan patungong tagumpay ang nais nating tahakin gaya nga ng sabi sa linya ng isang sikat na awitin na never say never.
