ALAM ng mga taga-Nepal na magkakalindol sa kanila anomang araw.
Kaya nga, bago naganap ang may lakas na 7.8 na lindol na kasinglakas ng lindol na puminsala sa Baguio at Cabanatuan noong 1990, nagkaroon ng miting ang mga eksperto ukol sa lindol.
Laman ng kanilang miting ang mga posibleng gawin ng pamahalaan at mga mamamayan sakaling magkalindol.
Pero bago pa man sila nakapaghanda, tumira na ang lindol at nagbibilang pa ang mga kinauukulan ng mga patay na maaaring aabot o lalagpas pa sa 3,000.
GUMUHONG YELO, BUNDOK
Ang pagguho ng mga dambuhalang lupa at tipak ng yelo mula sa mga bundok at pagguho ng mga gusali ang mga pangunahing dahilan kung bakit lumagpas na sa 2,500 ang patay sa Nepal.
Mga Nepalese at dayuhan ang mga biktima.
Ayon sa mga kinauukulan, libo rin ang mga nasugatan kaya naman umaapaw ang mga ospital ng mga pasyente.
Tiyak na may manggagaling din sa mga ito ang madaragdag sa mga patay.
Maaaring may mamamatay rin sa gutom, sakit at iba pang dahilan na nilikha ng lindol.
Ganyan katindi ang lindol.
TULONG PLIS
Medyo tumigil muna tayo, mga Bro, magpikit ng mga mata at mag-isip.
Ano-ano ang ating maitutulong sa mga biktima ng lindol sa Nepal.
Kung may mga Pinoy na nadamay at namatay o kaya’y nabalda, pagtulong-tulungan nating ayudahan.
Pero iba pa rin ang mga posible nating maitulong mismo sa mga Nepalese. Panggastos, pagkain, tubig, gamot, kumot, housing project at iba pa?
Marami ang mga handang maghatid sa Nepal ng inyong tulong… anoman ang mga ‘yan.
Salamat sa anomang maiaambag natin sa ating kapwa.
MARIKINA FAULT NAMAN
Matagal nang nagbababala ang mga taga-Phivolcs o Philippine Institute of Volcanology and Seismology na anomang araw ay tatamaan ng lindol ang Mega Manila.
‘Yun bang === Mula sa Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite hanggang sa maraming lungsod sa Metro Manila.
Kabilang sa mga tatamaan ng lindol mula sa Marikina Fault Line ang mga Lungsod ng Caloocan, Marikina, Quezon, Pasig, Mandaluyong, San Juan, Taguig at Muntinlupa.
35,000 PATAY
Sa pag-aaral ng mga eksperto, maaaring umabot sa 35,000 ang mamamatay sa lindol na magsisimula sa lakas na 7 pataas.
Aabot din sa 120,000 katao ang masusugatan habang nasa tatlong milyong katao ang maaapektuhan.
Kapag sinasabi nating maaapektuhan, mga Bro, ‘yung mga maaaring mai-lagay sa mga evacuation center.
Kung ganyan karami ang mamamatay, masusugatan at mailagay sa mga evacuation center, maimadyin n’yo ba kung gaano kahirap ang ating kalagayan?
Paano kung maganap ang lindol sa mga oras na punom-puno ang Metro Manila dahil sa araw ng pasukan ng mga bata at pagdagsa ng mga obrero mula sa mga lalawigan sa paligid?
GUHO, SUNOG AT BAHA
Tulad ng naganap sa Baguio, Bohol at Nepal, tiyak na marami ang mamamatay sa guho ng mga gusali at may mamamatay rin sa mga landslide.
Pero alam ba ninyo na may mga mamamatay rin sa pagsabog hanggang sa magkasunog ang mga koneksyon ng mga liquified petroleum gas at iba pang mga nakaimburnal ng langis?
Maaalala ninyo, mga Bro, ang tumagas na LPG at gasolina ng Shell sa Makati at ang sumabog na building sa Global City?
Iba pa ang mga malalagot na kawad ng kuryente ng Meralco at National Grid na napakalalakas ng mga boltahe.
Paano rin kung maganap ang lindol at puno ang mga Angat Dam, Ipo Dam at La Mesa Dam na pupwedeng matamaan?
Sinasabing aabot sa lima hanggang 10-30 metro ang taas ng tubig na makawawala sa mga dam na ito.
Tiyak na marami rin ang malulunod at maaapektuhan din ang ilang bayan ng Bulacan at Pampanga.
Kaya malamang na hindi lang 35,000 ang mamamatay, 120,000 ang masusugatan at tatlong milyon ang mababakwit.
NASAAN ANG PAGHAHANDA?
Nahuli nang hindi nakahanda sa lindol ang mga eksperto at pamahalaan sa Nepal.
Kumusta naman ang paghahanda ng ating mga eksperto at pamahalaan laban sa lindol?
Paano rin ang paghahanda ng ating mga mamamayan, lokal na pamahalaan, mga ospital, mga pulis, mga bumbero, mga doktor at nars at iba pa?
Kung inabot tayo ng siyam-siyam sa pagliligtas sa Bohol at Baguio killer quakes, hindi kaya mas masahol ang mangyayari sa Metro Manila?
Ang masaklap ay kung maunang mamatay ang mga pwersang search and rescue.
Kaya ang paghahanda ng mga mamamayan, nasaan na?
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA