DISMAYADO ang mga empleyado ng pribadong sektor sa pag-aakalang ang Home Development Mutual Fund, na mas kilala bilang Pag-IBIG Fund ay lumalabas na walang pagpapahalaga sa mga miyembro nito.
Pumalag ang mga miyembro ng unyon sa utos ng Pag-IBIG Fund na naging epektibo noong Marso 31, na magpunta ang mga trabahador sa tanggapan ng Pag-IBIG sa Cubao at magbukas ng ATM account sa Land Bank of the Philippines (LBP) para sa kanilang mga transaksyon. Nauna noong 2013 na i-accredit din ang Citibank sa kanilang transaksyon.
Para sa mga miyembro ng Pag-IBIG ay hindi ito parehas at parang parusa, lalo na sa mga empleyado sa Mindanao kung saan ang mga sangay ng Land Bank o Citibank ay mahirap mahagilap.
Ang mga tseke mula sa Pag-IBIG ay nakukuha noon ng mga miyembro sa pamamagitan ng koreo o sa mismong tanggapan ng Pag-IBIG. Pero batay sa alituntunin ng utos kamakailan, ang mga inuutang sa Pag-IBIG ay idedeposito at maiwi-withdraw sa LBP o Citibank.
Ito’y dagdag-pahirap sa mga empleyado ng pribadong sektor na kailangan pang mag-leave nang hindi bababa sa isang araw upang makapagbukas ng Land Bank o Citibank ATM account, at mag-leave muli sa pinapasukan kapag magwi-withdraw na sila ng pera.
Makaaapekto rin ito sa mga amo kung halimbawang ang kumpanya na may 100 empleyado ay umutang sa Pag-IBIG, at 10 sa kanila ang lingguhang kukuha sa Land Bank o Citibank nito. Isipin ang epekto na maaaring ibunga nito sa kanilang operasyon.
Isa pang alalahanin ay nakauutang sa Pag-IBIG nang minsan kada dalawang taon. Kinukuwestyon ng mga empleyado kung ano ang kanilang gagawin sa Land Bank/Citibank ATM samantalang may hiwalay silang ATM para sa sweldo? Matapos mai-withdraw ang mga inutang ay matutulog na ang account at mawawalan ng silbi.
Binatikos ng mga trabahador ang naturang utos ng Pag-IBIG dahil sa kawalan nito ng konsiderasyon at hindi magandang pagseserbisyo, na hindi ginawa sa kanila ng Social Security System (SSS) kailanman. Ang hinala nila ay isa raw itong estupidong proyekto para paramihin ang account ng Land Bank o Citibank.
Dapat beripikahin ito ni Vice-President Jejomar Binay, pinuno ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) at chairman ng Pag-IBIG Fund, sa kanyang mga tao sa Pag-IBIG at turuan ang mga ito kung paano itutuon ang atensyon sa serbisyo publiko.
Sa puntong ito ay hindi natin alam kung sinabihan si Binay ng sinoman sa kanyang tauhan tungkol sa naturang utos na sa huli ay makaaapekto sa sinoman ang nakaupong Bise Presidente, bilang chairman ng Pag-IBIG Fund.
Noong Enero 2014, inanunsyo ng Pag-IBIG na mula 2010 (sa taon na napuwesto si Binay), nagpatupad sila ng mga makabagong programa na sumusunod sa magandang panuntunan ng pamumuno sa samahan upang mas madali silang malapitan, at higit na makatugon sa mga pangangailangan ng kanilang mga miyembro.
Kaya ang maliwanag na pag-aalala ni Binay sa mga miyembro ng Pag-IBIG ay taliwas sa utos na inilabas kamakailan na magbukas sila ng Land Bank/Citibank ATM account para sa kanilang transaksyon sa pag-utang, na nagpapakita ng pagiging manhid sa magiging epekto nito sa miyembro.
Ang karamihan ng mga Filipino ay patuloy na sumuporta kay Vice-President sa kabila ng mga alegasyon ng iregularidad na ibinabato kaliwa’t kanan laban sa kanya at sa kanyang pamilya ng mga kalaban sa pulitika mula noong isang taon, sa pagtatangkang sirain ang pangalang Binay at wasakin ang kanyang tyansang manalo bilang Pangulo sa 2016.
Nangangahulugan lang ito na tiwala ang mga mamamayan kay Binay at patuloy silang magtitiwala kung nadaramang nag-aalala ito sa kanilang kapakanan. Pero kapag nadamang sila ay pinagtaksilan, maghahanap ito ng paraan para makaganti.
Ayaw nating makitang gumuho ang tiwalang ito nang dahil sa utos na maaaring hindi pala alam ni Binay na naipatupad.
o0o
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.
