LUMOBO na sa mahigit apat na libo ang namatay sa lindol sa bansang Nepal. At sinabi ng mga awtoridad doon, aabot pa raw ito sa sampung libo.
Kahindik-hindik ang balitang ito at hindi dapat ipagwalang-bahala ng maliliit na bansa, gaya ng Pilipinas.
Sa ulat ng Phivolcs, ang Pilipinas ay mistulang naghihintay na nuclear bomb na nakahandang sumabog anomang oras, kapag niyanig ng sinlakas na lindol sa Nepal.
Kung magaganap ito, batay sa pag-aaral ng Japan International Cooperation, aabot daw sa limampung libo katao ang mamamatay—sa Metro Manila pa lamang.
Pero may mga nagsasabi, baka hindi lang 50 libo ang mamatay sa pinangangambahang lindol sa bansa.
Marami umanong gusali sa Kamaynilaan ang mahihina na ang istruktura dahil sa katandaan.
Bukod pa sa maraming nagtatayugang building, gaya ng mga condominium, ang hindi naman tiyak ang kahandaan sa malakas na pag-uga ng lupa.
May malalaking condominium na basta na lamang itinayo ng mga switik na developer.
Tama ang mungkahi ni Ginoong Architect Felino “Jun” Palafox na dapat isailalim sa structural audit ang mga gusali sa Metro Manila at tukuyin ang panganib ng mga ito.
Nakatatakot kung maganap ang pinangangambahang lindol sa Pilipinas na kasama sa tinatawag na “Pacific Ring of Fire” dahil hindi mailalarawan ang magiging hitsura nito sa sandaling sumapit ang trahedya sapagkat hindi pa tayo nakahanda.
Matagal nang ibinababala ang panganib sa ‘Marikina fault line’ sa sandaling sa Kalakhang Maynila sumentro ang lindol pero binabalewala lamang ito ng mga lokal na kinauukulan sa pamamagitan ng patuloy na pagbibigay ng permiso sa mga developer na nagtatayo ng mga matatayog na gusali.
At ang masaklap, walang kakayahan ang ating pambansang pamahalaan sa pagharap, pagtugon at pagsaklolo sa trahedyang nasa kanila nang harapan.
Sino ang makalilimot sa kapalpakan ng ating gobyerno sa pagsaklolo sa mga biktima ng bagyong Yolanda? KANTO’T SULOK/NATS TABOY