KAPANSIN-PANSIN ang patuloy na pagdagsa ng foreign investors na gustong maglagak ng kanilang negosyo sa Parañaque City.
At walang duda na isa sa mga dahilan kung bakit maraming investor ang naaakit na magtayo ng negosyo sa nasabing lungsod ay ang maayos na pamumuno ni Mayor Edwin L. Olivarez.
Sa panahon kasi ngayon na walang inatupag ang mga politiko kundi magpayaman sa sarili gamit ang kanilang posisyon at kapangyarihan, si Mayor Olivarez naman ay abala kung paano matutulungan ang kanyang mga nasasakupan.
Kaya naman hindi kataka-taka na patuloy na inuulan ng pagpapala ang kanilang lungsod sa pamamagitan ng pagbuhos ng mga investment at negosyo doon.
Sa ilalim ng maayos na pamumuno ni Olivarez ay nagawang magtala ng Parañaque City ng record tax collections para sa mga taong 2013 at 2014 na umabot sa P1.041-bilyon at P1.342-bilyon ayon sa pagkakasunod.
Tumaas din ang nagpatala ng mga bagong negosyo noong nakaraang taon na umabot sa 2,325 habang 17,122 naman ang nag-renew ng kanilang mga lisensya.
Dumagsa rin ang mga business locator na umabot na sa 20,000 at may tinatayang taunang gross sales na aabot naman sa P300-bilyon.
Ilan sa malalaking kumpanya na nasa Parañaque City na ay Solaire Resorts and Casino na kauna-unahang casino-hotel sa Entertainment City at ganoon din naman ang City of Dreams Manila Resort.
Maliban sa kanila ay tuloy–tuloy na rin ang Aseana City at ang Manila Bay Resorts at maging ang Resorts World Bayshore City ni Andrew Tan at mga partner niya mula sa Genting Group ng Malaysia.
Iyan at marami pang ibang malalaking kumpanya na nagnenegosyo sa Parañaque City ay patunay lang ng tiwala ng mga negosyante kay Mayor Olivarez.
Kaya naman tuwang-tuwa si Mayor Olivarez sa nangyayari at nangako siya lalo pa niyang palalawakin at pag-iibayuhin ang paglilingkod sa kanyang mga kababayan.
Unang-una niyang tinutulungan ang mga nasa vulnerable sector gaya ng mga kababaihan, senior citizens, mga bata at ang mahihirap sa kanilang lungsod.
Sa loob ng maiksing panahon niya sa panunungkulan ay nakapagpatayo na siya ng mga paaralan para matiyak na mabibigyan ng may kalidad na edukasyon ang mga kabataan, mga pagamutang bayan, pagsasaayos ng kapaligiran, nagbigay ng tulong pangkabuhayan at marami pang iba.
Sa madaling salita, maswerte ang mga taga-Parañaque kay Mayor Olivarez dahil naghalal sila ng isang lider na tapat sa tungkulin at hindi puro porma at pagnanakaw lang ang ginagawa. OPENLINE/BOBBY RICOHERMOSO
